(DILG muling nagpaalala) ONLINE SCAMS TALAMAK NA

MULING nag-paalala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa publiko laban sa pagdami ng online scams ngayong Holiday Season.

Dahil dito, pinayuhan ni DILG Secretary Benhur Abalos, ang publiko na manatiling alerto laban sa online scams na mananamantala ng consumers.

Aniya, maaring i-report ang online scams sa website na ScamWatch Pilipinas kung saan madaling maipapaabot ang reklamo ng direkta sa inter-agency Response Center (l-ARC) ng gobyerno na pinapatakbo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center.

Dito rin makikita sa homepage ang hotline number na 1326 na maaring tawagan para i-report ang online scams o sa pamamagitan ng pag-click ng messenger button sa pamamagitan ng Cybercrime Investigation & Coordinating messenger.

Dagdag pa ni Abalos, kailangan din ang kooperasyon ng consumers upang mahuli at makasuhan ang mga scammer na walang takot sa panloloko.

Ang verified complaints lamang ang aaksyunan upang tuloy-tuloy na masampahan ng kaukulang kaso sa korte ang mga gumagawa ng ganitong klase ng panloloko sa publiko.
EVELYN GARCIA