DILG: ‘NO BOOSTER, NO ENTRY POLICY’ ‘DI NAPAPANAHON

HINDI pinaboran ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang panukalang ‘no booster, no entry policy’ o ang mungkahing gawing requirement ang COVID-19 booster vaccination sa pagpasok sa mga establisimyento.

Ayon kay Año, hindi pa napapanahon ang naturang panukala at ang prayoridad pa rin ngayon ng pamahalaan ay mabigyan ng primary series o dalawang unang dose ng bakuna ang may 34 milyon pang mamamayan sa bansa, na hindi pa rin bakunado laban sa COVID-19.

“Sa ngayon, hindi pa ‘yan napapanahon. Ang ating priority pa rin, ‘yung primary priority ‘yung pag-vaccinate ng primary series,” pahayag ng kalihim sa isang panayam.

Aniya, sa ngayon ay nasa 59.1 milyong tao pa lang ang fully vaccinated habang 66.5 milyon naman ang naghihintay pa ng kanilang ikalawang dose ng bakuna.

Sinabi ni Año na sa National Capital Region (NCR) pa lamang, mayroon pa silang hinahanap na 565,880 unvaccinated people.

“Kung hindi natin uunahin ang mga ito, ‘yung bawat isang tinuturok nating mga booster ay kawalan ng opportunity para mabakunahan sa primary series,” paliwanag pa niya.

Dagdag pa niya, sa ngayon ay nasa 2.6 milyon pa lamang o 36% ang may booster shots na sa NCR at kung gagawing requirement ang booster shots sa pagpasok sa establisimyento ay ang ekonomiya ang magdurusa rito.

“If we implement a no booster, no entry policy, our economy will suffer because only a few will be allowed in establishments,” paliwanag pa niya.

Nauna rito, iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na gawing requirement ang booster vaccination sa pagpasok sa mga establisimyento sa Metro Manila. EVELYN GARCIA