(DILG sa LGUs) BRGY ANTI-DRUG ABUSE COUNCILS PALALAKASIN

NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga alkalde at mga gobernador sa bansa na palakasin pa ang kanilang mga barangay anti-drug abuse councils (BADACs) upang mapaigting pang lalo ang kampanya ng pamahalaan laban sa ile­gal na droga.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Abalos na ang BADACs ang nagsisilbing ‘first line of defense’ laban sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon pa kay Abalos, na nagsilbi ring alkalde ng Mandaluyong City sa loob ng tatlong termino, kailangan ng pamahalaan ang tulong ng mga local chief executives (LCEs) para mapalakas ang BADACs at malabanan ang problema ng ilegal na droga mula sa grassroots level nito.

“Humihingi po ako ng tulong about illegal drugs. We will intensify the war on drugs, and we will start at the grassroots. So please, I am requesting you to harness the capability and strengthen your BADACs,” panawagan pa ni Abalos.

Tiniyak pa ni Abalos na ipagpapatuloy ng administrasyong Marcos Jr. ang kanilang laban kontra ilegal na droga at magpopokus sa pagresolba ng mga isyu hinggil dito.

“Nanawagan tayo sa mga gobernador at ma­yors na siguruhin na ang ating mga BADAC ay maayos na gumagana at nakakatulong sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa iligal na droga at mga tagapagpalaganap nito,” pahayag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA