(DILG sa LGUs) COASTAL AREAS, AQUATIC RESOURCES PROTEKTAHAN

HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) na patuloy na protektahan ang mga coastal areas at aquatic resources sa bansa.

Kasunod na rin ito nang paggawad nila ng MANILA BAYani Awards and Incentives (MBAI) at Fisheries Compliance Audit (FishCA) awards sa mga outstanding LGUs para sa kanilang kontribusyon sa rehabilitasyon at proteksiyon ng Manila Bay watershed at pagtalima sa Philippine Fisheries Code.

Sinabi ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. na ang mga naturang parangal ay patunay sa pagsusumikap ng mga lokal na pamahalaan na maprotektahan ang mga katubigan ng bansa, gayundin ang mga natural na yaman nito.

Kabilang sa mga MBAI awardees para sa 2018 hanggang 2020 ay ang Baliuag (Bulacan), Kalayaan (Laguna), at Magallanes (Cavite) para sa Municipal category, habang ang Balanga (Bataan), Biñan (Laguna), Imus (Cavite), Makati City, at City of Navotas naman ang nakapag-uwi ng parangal para sa City category.

Para naman sa taong 2021, ang mga LGUs ng Biñan at Kalayaan (Laguna), Baliuag (Bulacan), at Balanga (Bataan) ay kinilalang muli para sa MBAI Award.

Nabatid na ang mga MBAI awardees ay tatanggap ng cash incentives na hanggang P1.5-milyon na maaari nilang gamitin para sa pag-finance ng kanilang programs, projects, and activities (PPAs) para mapataas pa ang compliance ng mga LGUs sa Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program (MBCRPP) at para sa service payments.

Samantala, sinabi ni Abalos na ang FishCA awardees para sa 2020 hanggang 2021 ay ang Naic, Cavite; Tanza, Cavite; Pilar, Bataan; Sasmuan, Pampanga; at, Balanga, Bataan.

Pagkakalooban rin sila ng cash incentives na hanggang P1-milyon na maaari nilang gamitin sa pagpapatupad ng PPAs na makatutulong sa pagpapahusay ng pamamahala sa municipal waters o coastal areas. RA 10654.
EVELYN GARCIA