HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na i-avail ang P13.586-bilyong Local Government Support Fund-Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGUs) para sa kanilang local infrastructure at development projects at magsumite ng documentary requirements para dito hanggang sa Hunyo 30, 2021.
Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, tanging 319 LGUs lamang ang pinaglaanan ng pondo para sa kanilang FALGU projects na nagkakahalaga ng P2.93-bilyon o 22% ng Program Fund para sa taong ito.
Aniya, ang mga provincial governors, cities, at municipalities na may limitadong Internal Revenue Allotment (IRA) ay maaaring gumamit ng pondo ng LGSF-FALGU para sa delivery ng priority programs at projects na nakalista sa kanilang Local Development Investment Program (LDIPs).
Kabilang sa mga infrastructure at iba pang proyekto na sakop ng LGSF-FALGU ay mga lokal na kalsada at/o tulay, pampublikong pamilihan, slaughterhouses, multi-purpose buildings/halls, multi-purpose pavements, drainage canals, sea wall/river wall, water system projects kabilang na ang level 1 stand-alone water points, evacuation centers, public parks, fish ports, at post-harvest facilities na binubuo ng ice plant at cold storage facilities.
Dahil naman aniya sa kasalukuyang public health emergency situation, sinabi ni Año na ang LGSF-FALGU funds ay maaari ring gamitin para sa pagbili ng mga ambulansiya, trucks, mini dump trucks, multi-purpose vehicles, o multi-cab; street lighting o barangay electrification; medical equipment, financial assistance para sa health at sports programs; assistance programs at proyekto para sa edukasyon, health at social protection na may kinalaman sa COVID-19 pandemic; at ayuda para sa mga indigent individuals gaya ng medical, burial, transportation, food assistance, cash for work, at educational assistance.
Ang LGSF-FALGU ay maaari umanong i-avail ng LGUs mula sa 16 rehiyon maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang LGSF-FALGU ay isa sa priority thrusts ng Duterte administration alinsunod sa kanilang Build, Build, Build Program. EVELYN GARCIA
Comments are closed.