(DILG sa LGUs) OMICRON COMMUNITY TRANSMISSION PIGILAN, BOOSTER SHOTS PAIGTINGIN

HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na palakasin pa ang ipinatutupad nilang minimum public health standards (MPHS) at paigtingin pa ang COVID-19 vaccination kabilang na ang pagkakaloob ng booster shots sa mga mamamayan, upang mapigilan ang posibleng community transmission ng Omicron variant ng COVID-19.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dapat na paalalahanan ng mga LGU ang kanilang mga constituents na patuloy na tumalima sa health protocols, kabilang na ang pagsusuot ng face masks, regular na paghuhugas ng kamay, pag-obserba sa physical distancing at pananatili sa mga lugar na may maayos na bentilasyon.

Binigyang-diin ni Año na ang pagbabakuna kabilang na ang booster shots ay mahalaga para sa pagkakaroon ng karagdagang proteksiyon laban sa Omicron at iba pang variant ng COVID-19.

Aniya, maaaring mild lamang ang Omicron para sa mga bakunado ngunit tulad aniya ng iba pang COVID-19 variant, maaari itong magdulot ng malalang sakit sa mga unvaccinated senior citizens at immune-compromised individuals.

Pinayuhan din nito ang mga LGU na palakasin ang kanilang prevent-detect-isolate-treat-reintegrate (PDITR) strategies.

Panawagan din sa LGUs na magpraktis ng active case finding sa pamamagitan ng kanilang mga contact tracer, kaagad na magpatupad ng granular lockdowns at ng allowable capacities sa mga business establishment sa ilalim ng kasalukuyang Alert Level.

Samantala, hinikayat naman ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya ang mga mamamayan na magkaroon ng disiplina sa sarili sa pagpraktis ng MPHS ngayong 2022.

Ayon kay Malaya, bagaman epektibo ang COVID-19 vaccines sa pagprotekta sa mga mamamayan upang makaiwas na makaranas ng severe at critical COVID-19, hindi pa rin nito tuluyang mapipigilan ang hawahan ng virus.

Aniya, nangangahulugan ito na kahit bakunado ang isang indibidwal, maaari pa rin magtaglay ng virus ngunit asymptomatic lamang o walang nararamdamang anumang sintomas ng sakit.

“Sana po sa 2022 ay makapag-avail ang mas maraming Pilipino ng booster dose ng COVID-19 vaccine.

Puwede pong maging boosted with the same vaccine o ibang vaccine brand base sa patnubay mula sa DOH at depende na rin sa availability ng brands sa vaccination centers,” dagdag pa ng opisyal.
EVELYN GARCIA