INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na tiyaking sumusunod sa health protocols ang pagpapatuloy ng ‘cockpit operations’ at ang pagbabalik ng tradisyunal na “sabong” (cockfighting) sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 o sa pinakamababa pang status upang hindi magsilbing super spreader events ng nakahahawang Omicron variant ng COVID-19.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kailangang tiyakin ng governors, mayors, at village chiefs na ipinatutupad ang health and safety protocols sa nagsasagawa ng cockpits at cockfighting activities.
“Kahit nasa Level 2 or 1 na kayo, mahigpit pa rin nating paalala na maging maingat, disiplinado, at alisto sa inyong pagbabalik-operasyon ng sabong. Hindi pa napapanahon upang tayo ay makampante, lalo’t mataas pa ang kaso ng Omicron,” pahayag ni Año.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular 2022-003, pinapayagan ang operasyon ng cockpits at traditional cockfighting sa ilalim ng Alert Level 2 o pababa, kung may basbas naman ng sumasakop na LGU pero kailangang istriktong obserbahan ng health protocols.
Ang technology-based platforms at cashless betting ay pinapayagan upang maiwasan ang pagkakaroon ng physical exchange ng pera sa mga cockpit.
“We are not yet out of the woods and we do not encourage mass gatherings, which could be super spreader events. Make sure you exercise extra caution before entering a cockpit or participating in cockfighting activities,” paliwanag ng kalihim.
Patuloy namang imomonitor at magsasagawa nang pag-iinspeksiyon ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa cockpit arenas.
Babala ng DILG chief, ang sinumang nagsasagawa ng cockpits o sabong na mapapatunayang sumuway sa ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan ay awtomatikong ipasasara at ang maging ang kanilang mga opisyal at empleyado pananagutin sa batas. EVELYN GARCIA