BINALAAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang mga local government units (LGUs) na pananagutin kapag hindi susunod sa patakaran ng gobyerno sa paggamit ng face masks sa indoors o sa loob ng mga gusali.
“Next time around kung meron naman diyang gagalaw, sinabi nga ni [Health Department officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire] about the indoors, we really have to implement this one. Talagang disiplinahin na natin yan,” babala ni Abalos sa isang public briefing.
Ginawa ni Abalos ang pahayag nang tanungin tungkol sa mga posibleng aksyon laban sa Cebu City government, na noong nakaraang linggo ay inalis ang mandatory mask rule para sa outdoors.
Una rito, inihayag ni Abalos na pumayag si Cebu City Mayor Mike Rama, in principle, na ipagpaliban ang implementasyon ng non-obligatory face mask rule hanggang hindi pa natatalakay ang usapin sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Pero pinabulaanan ito ng alkalde at ipinatupad pa rin ang kanyang executive order na binanggit ang local autonomy ng pamahalaang lungsod.
Nitong Miyerkules, inirekomenda ng IATF sa Malakanyang ang pagsusuot ng face mask sa labas ay gawing nang opsyonal Hanggang sa pagtatapos ng taon. EVELYN GARCIA