INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na tulungan ang pamahalaan sa information campaign sa pagpapatupad ng Republic Act 11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, na epektibo sa Disyembre 27.
Ang RA 11934 na unang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay naglalayong i-regulate ang pagpaparehistro at paggamit ng mga SIM sa pamamagitan ng pag-uutos sa lahat ng end-user na irehistro ang kanilang mga SIM sa kani-kanilang telecommunications network bago ang kanilang activation.
Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., na kailangang magsagawa ng masinsinang information drive sa grassroots level at ang mga LGU ay dapat na ituro sa publiko ang mga kinakailangan at kahalagahan ng batas.
“As we seek to ensure public safety even in the online space, I encourage LGUs to exert all efforts to promote responsible use of SIM cards, educate their stakeholders on the benefits of mandatory SIM card registration and guide them through the whole registration process,” pahayag ni Abalos.
Aniya, ang SIM Registration Act ay tutulong sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement authorities sa pagsugpo sa tumataas na electronic communication-aided criminal activities sa Pilipinas tulad ng mobile phishing, spam text messages, online scams, bank frauds at identity theft.
“Together with the LGUs, DILG will cooperate with DICT and the NCT to fast-track the establishment of registration facilities in geographically-isolated areas, which should be done within 60 days after December 27,” paniniyak ng kalihim.
Humingi naman ng tulong ang DILG chief sa local chief executives (LCEs) at barangay captains sa mga malalayong lugar sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento at iba pang kinakailangan para maitayo ang mga registration center. EVELYN GARCIA