DILG SA MGA KANDIDATO: MAGING MODELO SA PAGSUNOD SA CAMPAIGN RULES

PINAYUHAN  ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga tatakbong kandidato sa halalan sa Mayo na maging isang magandang halimbawa o modelo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinatutupad na panuntunan sa pangangampanya  sa gitna ng pandemya.

Ayon kay DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, inatasan na nila ang Philippine National Police (PNP) na i-monitor at bantayan ang mga ipinagbabawal na gawin ng isang kandidato sa gitna ng pangangampanya, gaya ng  physical contact sa pagitan nito at ng publiko, pagkamay, at pag­halik.

“Pero ang panawagan po ng DILG, sana po mag-self police na iyong mga kandidato. Alam naman po nila iyong batas. Sana po sila iyong ma­nguna sa pagsunod sa batas para po iyong kanilang mga supporters ay sumunod din sa kanila,” giit ni Malaya sa isang public briefing nitong Martes.

“Kung baga, they should lead by example, para hindi na po mahirapan ang ating mga law enforcement agency sa pag-implement ng mga resolusyon ng Comelec,” dagdag pa ng opsiyal.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ina­asahan na ang pagbaba ng mga kaso ng CO­VID-19 ngayong katapusan ng Pebrero, pero depende pa rin aniya ito sa publiko kung istriktong susundin lamang ang  mga  ipinatutupad na health protocol at magpapabakuna.

“Let’s keep our elections fair, orderly, peaceful and safe. Sundin lang po natin ang lahat ng mga (let us just follow all) guidelines,” payo ni Nograles sa mga kandidato.

“We are also very confident that the Comelec will enforce the guidelines, the rules and regulations when it comes to campaigning to ensure na hindi tayo magkakaroon ng (that we will not have) superspreader events,” dagdag pa ng opisyal. EVELYN GARCIA