PINAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na maaaring maghain ng reklamo laban sa umano’y mga maling gawain ng mga opisyal ng barangay na maaaring makipag-ugnayan sa Public Assistance and Complaint Center (PACC) .
Sa isang pahayag, sinabi ng DILG sa publiko na makipag-ugnayan sa PACC sa (02) 8925-0343 o magpadala ng mensahe sa [email protected] para sa mga katanungan, paglilinaw o reklamo sa mga alalahanin na may kinalaman sa barangay.
Bunsod nito kamakailan, humingi ng paglilinaw sa DILG ang isang nagrereklamo kung legal para sa barangay na maningil ng “blotter fees” nang hindi nagbibigay ng anomang opisyal na resibo.
Binanggit din ng DILG na ang pondo o badyet ng mga barangay ay dapat ilaan sa “mandatory or statutory obligations.’’
Dagdag pa, ipinaliwanag ng DILG na dapat maglaan ang barangay ng 55 porsiyento para sa personal na serbisyo, 20 porsiyento para sa development fund, 10 porsiyento para sa youth council, limang porsiyento para sa calamity fund, limang porsiyento para sa gender at development, isang porsiyento para sa Barangay Council para sa Proteksyon ng mga Bata (BCPC).
Dapat ding magtakda ng sapat na pondo ang barangay para sa pagpapatupad ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na gastos at iba pang gastusin ng barangay peace and Order Committee.
Sa panig ng local government units (LGUs), ipinaliwanag ng DILG na ang pangunahing responsibilidad ng kanilang mga opisyal ay ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, pagtatayo ng mga pampublikong pasilidad, pagtiyak na ang mga batas ay maayos na pinamamahalaan at naipapatupad, paghahanda at pagsasaayos ng taunang badyet, pagtiyak na mayroong konsultasyon at diyalogo sa mga residente at “pagtitiyak na sila ay lumalakad sa kanilang mga nasasakupan ay naaayon sa batas, regulasyon at iba pang pamantayan.”
EVELYN GARCIA