DILG UMAPELA SA METRO MAYORS PARA SA DAGDAG TULONG SA RICE RETAILERS

HUMINGI ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tulong ng Metro Manila Mayors para matulungan ang rice retailers na apektado ng price ceiling.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., kailangan ang tulong ng Local Government Units (LGUs) para sa konkretong hakbang na ipagkakaloob sa mga retailer sa mga palengke sa Kamaynilaan.

Aniya, maaaring magpasa ng mga LGU ng ordinansa upang irekomenda ang anumang tulong para sa rice retailers.

Partikular na tinukoy ni Abalos ang pansamantalang pagsuspinde sa kinokolektang mga stall fee o bayad sa puwesto sa pamilihan o palengke ng mga retailers o bigyan sila ng diskwento sa kanilang mga renta sa kani-kanilang puwesto.

Bukod dito, maaaring magpatupad ang Metro Mayors ng iba’t ibang tulong para sa mga apektadong retailers, ngunit mas makakatiyak kung magkakaroon ng ordinansa na siyang magsisilbing basehan sa mga ibibigay na tulong sa mga naapektuhan. EVELYN GARCIA