DINAGAT ISLANDS, PALAWAN, LILOAN AT LAPU-LAPU CITY HINATIRAN NG TULONG NG BBM-SARA UNITEAM

BBM-SARA 31

BAGO matapos ang taong 2021 tatlong probinsya pa na nasalanta ng Bagyong Odette ang binisita nina UniTeam presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte ngayong Huwebes, Disyembre 30.

Unang sinuyod nina Bongbong at Sara ang Dinagat Islands na isa sa matinding hinagupit ng bagyo. Sinalubong sila ni Lone District Congressman Alan Ecleo kasama ang ilang mga opisyal ng isla.

Nagbigay ang UniTeam ng 2,500 sako ng bigas, halos isang libong pares ng tsinelas, at 10 sets ng bucket water filter na makakagawa ng malinis na maiinom na tubig na higit na  kailangan ng bawat apektadong komunidad.

Iniabot din nila ang P-1M tulong pinansyal kay Congressman Ecleo at P-1M naman para kay Governor Arlene ‘Kaka’ Bag-ao na tinaggap ni provincial administrator Dr. Aimee Jimeno.

Gagamitin ang nasabing halaga para sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo.

Sunod na pinuntahan ng BBM-Sara tandem ang Puerto Prinsesa, Palawan na malubhang hinagupit din ni Odette.

Sinalubong sila ni Gov. Jose Alvarez at pitong mayor ng probinsya. Nagbigay din ng disaster situational report si Gov. Alvarez  kina Bongbong at Sara.

Ibinigay naman nila ang 3,000 sako ng bigas, at halos isang libong pares ng mga tsinelas para sa mga pamilyang nasalanta.

Bukod diyan, humigit kumulang P-3M tulong pinansyal ang ibinigay kay Gov. Alvarez at pitong iba pang mayors.

Huling pinuntahan nina Bongbong at Sara ang dalawang magkahiwalay na lugar sa Cebu, ang Liloan at Lapu-Lapu City.

Sa munisipalidad ng Liloan, nagbigay ang BBM-Sara UniTeam ng 3,000 sako ng bigas, at halos isang libong pares ng tsinelas. Nakatanggap din ng P1-M tulong pinansyal si Mayor Christina Frasco para sa kanyang mga kababayan.

Nakatanggap naman ang siyudad ng Lapu-Lapu ng 2,000 sako ng bigas, at isang set ng Reverse Osmosis Water Filtration with pressure supply unit para magamit ang tubig dagat bilang inumin.

Nagpaabot din ng P-1M tulong na pinansyal kay Lapu-Lapu lone district Congressman  Paz Radaza para sa kaniyang mga nasasakupan.

Sa inaasahang muling paglilibot ng BBM-Sara UniTeam sa Enero ng susunod na taon nais ni BBM na bigyang pansin din ang pamamahagi ng mga maintenance na gamot lalo na sa mga senior citizens.

Sisimulan na raw niya magtawag at humingi ng tulong para rito.

“There is one item, hindi ko alam kung may problema kayong ganito dito pero yung sa iba ang nagiging problema yung sa gamot para sa yung mga maintenance na walang makapasok lalo na yung mga senior (citizens) but seriously when I get back to Manila magtatawag na ako at maghahanap na kami, mercury drug, unilab, kung anong makuha natin isusunod natin,” sabi ni Marcos.

Nilinaw naman ni Marcos na ang pagbibigay ng tulong ng BBM-Sara UniTeam ay bilang karadgadang suporta para sa mga lugar o probinsya na hindi pa naabot ng gobyerno.

“Patuloy pa rin ang pagtulong, kung ano yung makuha namin at magpapadala kami to augment the national government effort. Kami naman augmentation lang kung sino yung hindi pa naabot ng national government.”

Nagbigay naman ng mensahe sina Bongbong at Sara sa lahat ng mga nasalanta ng bagyo na huwag mawalan ng pag-asa at pagtutulungan ay sama-samang malalampasan ang nagdaang sakuna.

“We always pray na makabangon kayo kaagad sa naging devastation ng typhoon Odette and we wish you a blessed celebration of the incoming new year,” sabi ni Sara.

“Malakas masyado itong (bagyong) Odette, marami talagang nasira. Pero huwag kayo mawalan ng loob at nandito kami para sa inyo,” pahayag ni Marcos.