(Dinukot daw ng militar) 2 AKTIBISTA ‘DI SUMUKO

BULACAN- NAGULANTANG ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at National Security Council nang humarap sa media ang dalawang estudyante na sinasabing hindi sila sumuko.

Hayagan sinabi ni Jolina Castro, 21- anyos, 2nd year college ng BS Psychology na dinukot sila ng armadong grupo sa isang barangay sa bayan ng Orion sa Bataan noong gabi ng Setyembre 2 kung saan piniringan at itinali ang kanilang mga kamay bago dinala sa Kampo ng militar sa Doña Remedios Trinidad.

Ito rin ang pahayag ni Jhed Tamano, 22-anyos, graduate ng Business Administration sa BSU na kapwa mula sa bayan ng Plaridel.

Nilinaw ng dalawang estudyante na kapwa miyembro ng AKAP-KA Manilabay na hindi sila terorista kundi aktibista na ang layunin ay tulungan ang mga mangingisda.

Anila, pinilit lamang silang pumirma sa mga dokumentong ginawa umano sa loob ng Kampo ng militar.

Nanindigan ang dalawa na ayaw na nilang manatili sa kustodiya ng sundalo.

Ayon naman kay Lt.Col.Ronnie Dela Cruz Battalion Commander ng 70th Infantry Matapat/Matatag Battalion, hindi nya alam kung saan humugot ng sinabi ang dalawang aktibista dahil bago ang mga pangyayari maayos naman ang kanilang pag-uusap.

Kung saan nangako rin ang NTF-ELCAC na ibibigay nila ang lahat ng prebilehiyo na dapat matanggap ng dalawa na nagbabalik loob sa pamahalaan.

Kasunod nito, sumugod at nagkilos protesta ang grupo ng mag aaral sa harap ng munisipyo ng Plaridel nang mapanood sa social media ang live feed ng presscon na isinagawa ng NTF- ElCAC na dinaluhan ni Punong Bayan at mga kinatawan ng ibat ibang sangay ng pamahalaan.

Samantala, nananatili sa kustodiya ni Mayor Jocell Vistan ang dalawang aktibista. THONY ARCENAL