DINUKOT NA CHINESE NASAGIP NG PNP-AKG

NAILIGTAS ng mga tauhan ng Philippine Natiional Police (PNP) Anti – Kidnapping Group ang isang Chinese na dinukot sa kilalang casino sa Pasay City.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, arestado ang dalawang Chinese na suspek sa dumukot sa kanilang kabaro na isang negosyante.

Nakilala ang mga suspek sa alyas na Mike at Bong na miyembro ng loan shark syndicate na naaresto sa mismong hotel kung saan nila ikinulong ang biktima

Sinabi ni BGen Cosme Abrenica, director ng PNP-AKG, ang mga suspek ay gumagala sa casino at nagpapautang sa mga player na natatalo.

“Accordingly may mga taong gumagala diyan sa casino na nagpapautang ng pera sa mga players at kita nila siyempre sa table kung sinong may pera pa at wala at nag ooffer so itong player ay kapag medyo nalulong sa sugal ang gusto nilang mangyari until such time na lumaki na lumaki ang utang nila and hindi na makarecover and then nanghihiram na sila sa mga tao na ito,” ayon kay Abrenica.

Sa record, umabot sa P180,000 ang nautang ng biktima sa mga suspek pero sinisingil ito ng P1.8 million.

Subalit nang walang maibigay na pambayad, dito na siya kinidnap ng mga suspek.

Nasagip ang biktima nang tumawag ito sa kanyang asawa .

“Yung biktima tumawag doon sa asawa niya. ang istorya nito ay nagsugal itong si biktima at nakautang siya ng medyo malaking halaga pero mas malaking halaga pa ang hiningi ‘nung inutangan. So hanggang sa makarating sa kaalaman ng PN at ito ay agad namin narespondehan,” ani Abrenidca.

Sinampahan na ang mga suspek ng kasong kidnapping for ransom at illegal detention at iniimbestigahan na rin ng AKG kung dati na silang nasangkot sa mga insidente ng kidnapping.
EUNICE CELARIO