MAGING ang Diocese ng Virac sa Catanduanes ay nakiisa na rin sa panawagan sa pamunuan ng National Electrification Administration (NEA) upang makialam at i-take over na ang First Catanduanes Electric Cooperative Inc. (FICELCO) para masolusyunan ang problema ng lalawigan sa kuryente.
Nauna rito, nagkasundo ang Sangguniang Panlalawigan (SP) at Sangguniang Bayan (SB) ng Virac, Catanduanes na hikayatin ang NEA para aksiyunan at resolbahin ang krisis sa kanilang lugar.
Nakiisa naman sa kanila ang Virac Diocese at nagpadala ng liham kay NEA Administrator Edgardo R. Masongsong, na may petsang Mayo 23, 2018.
Sa naturang liham na pirmado ni Virac Bishop Manolo Delos Santos, umapela ito kay Masongsong na tulungan ang mga residente na labis nang nagdurusa sa nararanasang palagiang brownout sa lalawigan, lalo na ngayong labis ang init ng panahon.
“As you are already aware, the Province of Catanduanes is experiencing frequent brownouts that affects the daily activities of Catanduanes,” bahagi pa ng liham ng obispo.
Naidulog na rin naman aniya ang problema sa brownout sa FICELCO ngunit bigo itong magbigay ng solusyon sa problema kaya’t lumalapit na sila at humihingi ng tulong sa NEA.
Nabatid na nitong Martes, Mayo 22, una nang sumugod ang mga residente ng Catanduanes sa FICELCO Headquarters sa Marinawa, Bato, Catanduanes at umapela kay Alexander Ang Hung, Board of Directors President ng FICELCO, upang magbitiw sa tungkulin matapos na mabigong umaksiyon sa problema sa kuryente.
Hinihingi rin ng mga residente sa FICELCO na kaagad na i-turn over ang 3.6 MW Marinawa Power Plant sa National Power Corporation (NPC) at mag-instala ng 6.6MW generator sets ng Sunwest Water Electric Company Inc. (SUWECO) upang matuldukan ang madalas na power interruptions sa lalawigan.
Nabatid na hindi lamang naman ang kaliwa’t kanang brownout ang problema ng mga members-consumers, dahil kinukuwestiyon rin ng mga ito ang ginawang paniningil sa kanila ng P48 milyon noong taong 2011 hanggang 2016, para sa Foregone Energy Fee ng Catanduanes Power Generation, Inc. (CPGI), na ang lease contract para sa Marinawa Daihatsu Diesel Power Plant ay tinerminate ng NPC; at P25 milyon para sa fuel storage na ginamit nito para makapag-generate ng kuryente, na hindi naman nai-deliber at nagamit ng mga tao.
Nais ng mga Catandunganons na maisauli ang naturang perang siningil sa kanila para sa hindi nagamit na kuryente.
“To put a stop on the prejudicial act of FICELCO, I, on behalf of the Catholic faithful, is writing your good office requesting for you to take the necessary action to ensure the protection of the Catandunganons,” ayon pa sa Obispo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.