DIOKNO ‘DI SISIBAKIN

diokno

IBINASURA ng Malakanyang ang panawagan ng mga kongresista  na sibakin sa puwesto  si Budget Secretary Benjamin Diokno dahil sa umano’y ginawang P75 bilyong budget insertion para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pambansang pondo para sa susunod na taon.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi iiwan ng Palasyo si Diokno.

Giit ni Panelo, iginagalang ng Palasyo  ang panawagan ng mga kongresista na idinaan pa sa House Resolution 2365 ang pagpapasibak kay Diokno subalit hindi ito mapagbibigyan dahil nananatili ang tiwala mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalihim.

Aniya, sa katunayan ay itinuturing na ‘one of the best and the brightest’ sa hanay ng mga opisyal ni Pangulong Duterte si Diokno at hindi rin matatawaran ang reputasyon nito bilang isang competent public servant.

“As one of the administration’s economic managers, President Duterte considers him as one of the best and brightest in his official family. Secretary ­Diokno’s reputation as an upright, competent and honest public servant stays solid up to this day,” ani Panelo.

Hiniling ng Palasyo sa Kongreso na itama na lamang ang mga ma­ling nadiskubre nito sa panukalang budget at kung nais nila ay kasuhan na lamang ang kalihim kung sa tingin nila ay may nagawa itong iregularidad.

Dagdag pa ni ­Panelo, kung hindi nanghihimasok ang Pangulo sa kung sino-sinong mga opisyal sa Kongreso ang dapat na maitalaga sa mga komite ay tularan na lamang sana nito ang chief executive.

Comments are closed.