SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, nagpatawag ng ‘question hour’ ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan inaasahang gigisahin, partikular ng mga minority solon, si Budget Secretary Benjamin Diokno bukas.
Ayon kay House Minority Leader at Quezon province Rep. Danilo Suarez, sa kanilang plenary session noong Martes ng nakaraang linggo (Disyembre 4) ay nai-adopt bilang House Resolution no. 2307 ang kanyang inihaing Resolution no. 00158, na pagpapatawag sa nasabing kalihim para humarap sa ‘question hour’.
Paliwanag ng Quezon lawmaker, pangunahing dahilan sa pagpapatawag kay Sec. Diokno ay upang makuhanan ito ng pali-wanag kaugnay ng panukalang 2019 national budget.
Bilang tugon, sinabi ni Suarez na pormal namang lumiham ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. sa Budget secretary para ipabatid dito ang pangangailangan na humarap sa mga kongresista alinsunod sa itinatakda ng Section 22 Article VI ng 1987 Constitution at nilalaman ng HR 2307. Bukas, alas-3 ng hapon, isasagawa ang ‘question hour’.
Sinabi naman ni Andaya na bukod sa imbitasyon ay ipinadala rin niya sa kalihim ang mga katanungan na posibleng ilalatag ng mga kongresista, na kinakailangan niyang sagutin.
Dagdag pa ng house majority leader, inaatasan din si Diokno na dalhin ang mga kaukulang dokumento, kabilang na ang dis-bursements, releases at office memos na para sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at iba pa.
Magugunitang noong Nobyembre 11 nang ihain ni Suarez ang kanyang House resolution na nagsusulong sa pagdaraos ng ‘question hour’ ng Kamara, partikular ang pagpapatawag kay Diokno.
Giit niya, ang pagpapasalang sa kalihim sa harapan ng buong miyembro ng Kamara ay bahagi ng kapangyarihan ng lehislatura na magsagawa ng legislative inquiries at ng pagkakaroon nito ng ‘oversight functions.’
“Pursuant to Article VI Section 22 of the Constitution and Rule XVII Section 124 of the House Rules of the 17th Congress, ei-ther House may request heads of departments to appear and be heard by such House on any matter pertaining to their departments, invoking its power to conduct question hour,” dagdag pa ni Suarez. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.