TIWALA si Finance Secretary Benjamin Diokno na mahihigitan ng pamahalaan ang revenue target nito para sa taon.
Ito’y dahil sa mas mataas na koleksiyon ng gobyerno sa unang limang buwan ng taon.
“On the fiscal side, I am pleased to report that our revenue collections for the first five months of the year improved to P1.6 trillion, up by P155.6 billion or 10.8% compared to the same period last year,” sabi ni Diokno.
Sa datos ng Department of Finance (DOF), ang revenues mula January hanggang May 2023 ay nasa P1.592 trillion, mas mataas ng 10.83% kumpara sa P1.437 trillion na nakolekta noong nakaraang taon.
Umaasa ang Development Budget Coordination Committee na aabot sa P3.73 trillion ang revenues ng pamahalaan para sa 2023.
Malaking bahagi ng kita ng pamahalaan ay nagmula sa tax collections na nagkakahalaga ng P1.41 trillion, tumaas ng 9.71% mula P1.3 trillion year-on-year.
Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nag-ambag sa karamihan sa tax revenues sa naturang panahon sa nakolektang P1.054 trillion, tumaas ng 9.95% mula P959 billion na nakolekta sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Tumaas din ang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) ng 12.1% sa P359.3 billion mula P320.5 billion noong nakaraang taon.
Samantala, ang non-tax collections, na kinabibilangan ng kita mula sa Bureau of the Treasury (BTr) at privatization proceeds ay nasa P178 billion, tumaas ng 20.56% mula P147.7 billion noong nakaraang taon.