KINUMPIRMA kahapon ni Foreign Secretary Teodoro Locsin na nakapaghain na siya ng diplomatic protest sa pagbangga ng barko ng China sa nakaangklang bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ni Locsin ay kasunod ng pagkondena ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pag-abandona ng barko ng China sa 22 mangingisdang Pinoy matapos na lumubog ang kanilang bangkay.
Nakasaad sa Twitter post ni Locsin na nag-‘fired off’ na siya ng diplomatic protest kaugnay sa insidente na tinawag na “barbaric” at “uncivilized” ni Presidential spokesman Salvador Panelo.
“I will proceed on the merits of the case and what it calls for while the matter is studied by the International Maritime Organization (IMO),” dagdag ni Locsin.
Nanawagan naman sa China si Panelo na imbestigahan ang ‘hit and run’ na halos ikalunod ng mga mangingisda nang lumubog ang kanilang bangka.
Giit ni Panelo na dapat parusahan ng China ang mga sakay ng Chinese vessel dahil inilagay nila sa panganib ang buhay ng mga mangingisdang Pinoy nang abandonahin nila ang mga ito.
Aksidente man o sinadya ang nangyari, idinidikta aniya ng sanlibutan na dapat ay sinagip ng crew ng Chinese vessel ang mga mangingisdang Filipino na sakay ng bangka.
Sa kabutihang palad ay nasagip ng Vietnamese vessel ang 22 Pinoy mula sa pagkalunod. DWIZ882
PAGBANGGA NG CHINA SHIP SA FISHING BOAT NG PINOY SINADYA
POSIBLE umanong sinadya ang pagbangga sa fishing boat ng mga Filipino dahil nakahimpil o nakaankorahe ito nang banggain na dahilan ng paglubog nito.
Ayon sa isang senior military official, lumilitaw na “intentional” o sinadya ang banggaan sa Recto Bank.
Pahayag naman ni Western Command spokesperson Lt. Col. Stephen Penetrante, hindi tumigil ang barko ng China.
“Kung titingnan ninyo po sa incident report, may intentionality eh, kasi hindi tumigil [ang vessel],” ani Penetrante.
Inihalimbawa pa ni Penetrante ang pangyayari sa “hit and run” at malayo aniyang aksidente ang nangyari batay na rin sa kuwento ng mga mangingisda.
“It’s far from accidental kasi kung accidental po ito the SOP should be, they should stop ‘di po ba? And then they should rescue these fishermen natin ano po. E nu’ng tinamaan nila ‘yung FB Gimver 1 ay ano po sila dire-diretso sila. Hindi nila tinigilan, hindi sila tumigil,” ayon sa opisyal.
Ikinasa ng military ang masusing imbestigasyon para malaman kung ano talaga ang nangyari sa Recto Bank na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas.
Una rito ay nagpahayag ng pagkondena ang Defense Department hinggil sa nangyaring banggaan na umano’y karuwagan sa panig ng mga Chinese na iwan ang mga sakay ng bangkang kanilang binangga.
Sinabi ni DND Secretary Lorenzana na hindi ito ang inaasahang aksiyon mula sa isang responsable at palakaibigang mga tao.
“We condemn in the strongest terms the cowardly action of the Chinese fishing vessel and its crew for abandoning the Filipino crew. This is not the expected action from a responsible and friendly people,” ani Lorenzana.
Dahil dito, nananawagan si Lorenzana na magsagawa ng pormal na imbestigasyon para hindi na maulit ang nasabing insidente.
Nagpasalamat naman ang kalihim sa kapitan at crew member ng isang Vietnamese fishing vessel na tumulong sa mga mangingisdang Pinoy.
“We thank the captain and crew of Vietnamese vessel, for saving the lives of the 22 Filipino crews,” ayon pa kay Lorenzana.
Naging katuwang sa pagsagip sa mga mangingisdang Pinoy ang BRP Ramon Alcaraz ng Philippine Navy.
Ito na ang pangalawang insidente ng pagbangga sa fishing vessel ng Filipinas dahil taong 2013 ay lumubog din ang isang fishing boat nang madaanan ng Chinese cargo vessel.
Para naman kay Philippine Coast Guard Capt. Armand Balilio, hindi masasabi agad na sinadya ito hangga’t walang kaukulang imbestigasyon. “Tingin ko hindi naman ‘yan, hindi, mga marino, maari siguro baka hindi nakita, hindi natin alam e at this point na nasa malapit na lugar,” pahayag nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.