NAGPAHAYAG ng kanyang hinaing si Ron Sapinoso na director at writer ng ipapalabas na Indie Film na “Ang Babaeng Ayaw Mamatay” na ang industriya ng pelikulang Pilipino ay malapit na umanong mamatay kung kaya kailangan nang suportahan ng mga manonood ang ganitong uri ng pelikula.
Sa isinagawang press conference sa Brentwood Suites sa Quezon City, sinabi ni Sapinoso na unti unti nang nauungusan at napapalitan ng mga vlogs and naghihingalo ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Sinabi rin ng aktres na si Ara Mina na gaganap bilang Doctor Helen sa naturang pelikula, na kinakailangan din suportahan, hindi lang umano ng mga manonood ang mga producer ng mga pelikulang Pilipino katulad ni Jana Dee, kundi maging ng mga artistang katulad niya upang may mga magpatuloy sa pagpo-produce ng mga pelikulang Pilipino. Si Dee ang producer at bida ng naturang pelikula kung saan ay gaganap siya bilang si Luna.
Ito ay itatampok sa ilalim ng Inding Indie Production at Janna Dee Production.
Ayon kay Ara, maging siya ay nagsubok na rin mag-produce ng pelikulang “Ate” noong 2008, subalit ‘di na naulit. Hindi niya nabanggit ang naging dahilan kung bakit siya tumigil sa pagpo-produce ng pelikula. Subalit balak na raw umano niya mag-produce ulit sa susunod na taon.
“Wala pong nagtatanggol sa ating industriya. Sabay sabay po tayong babagsak,”sabi ni Sapinoso.
“Si Ms. Jana Dee as the producer.I want to help her. Pag ‘di siya kumita kawawa naman,” sabi ni Ara. Ang pagsuporta ng aktres sa ganitong uri ng pelikula maging sa mga baguhang actor ay isang paraan ng pagbibigay niya ng pagkakataon sa mga ito na umusbong ang karera sa industriya bilang pagtulong sa pelikulang Pilipino.
Sinabi ni Ryan Faviz na Executive Producer ng naturang pelikula, na bagamat ito ay may historical reference dahil sa pagiging period film nito, subalit ang takbo ng istorya umano nito ay isang fiction at kathang isip lamang. Gayunpaman ang setting ng naturang pelikula ay hango sa tunay na sitwasyon noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas ng ikalawang pandaigdigang digmaan ng 1940s.
Sinabi ni Faviz na ang shooting ng “Ang Babaeng Ayaw Mamatay” ay nakatakdang magsimula sa Enero.Sa ngayon ay nasa pre production stage pa lang ang lahat. Mayroon pang dumadaan sa mga martial arts and stunt trainings at acting workshops, paliwanag ni Faviz.
Ayon kay Sapinoso, ang naturang proyekto ay base sa kanyang isinulat kung saan ang dulo ay kikiliti sa imahinasyon ng mga manonood na mag-iisip kung paano magwawakas ang kwento.
Bagamat period film ito ay nangangailangan ng kahit tatlong oras sa pagpapalabas ng buong pelikula.Subalit may agam agam si Sapinoso na posible anyang hindi payagan ng mga kinauukulan na ito ay maging tatlong oras na pelikula.
“Ang Babaeng Ayaw Mamatay” ay tungkol kay Luna na nakakulong.Tuwing anim na buwan ito ay sinasalinan ng dugo ni Doctor Helen na siyang nagbibigay rito ng kakaibang lakas. Ito ay nakapukaw ng atensyon ng isang dating ordinaryong magsasaka na si Zandro (gagampanan ni Diego Salvador) naging masamang bandido ng panahon ng Hapon matapos paslangin ang pamilya ni Luna. Subalit si Luna ay nananatiling buhay at tumitibok ang puso dahil lamang sa tunay na pag ibig sa isang lalaki.
Kabilang din sa mga cast ng nasabing production ang mga batikang aktres na sina Jackilou Blanco at Deborah Sun.
Gaganap din dito sina Simon Ibarra, Victor Silayan, Shirley Favis, Nathaniel Perez, Marvic Quilloy,Gerladine Aleria,Raph Decena, Dana Varona, Julian Roxas, Mohaira, Reorey, at Diego Salvador. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia