(Disaster preparedness webinar tinangkilik ng iba’t ibang sektor) ‘KASALI KAMI’ NG NDRRMC, OCD INILUNSAD

NAGALAK ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang Office of Civil Defense (OCD), sa ginawang pakikiisa at pagdalo ng libo-libong netizens sa “Kasali Kami: A Disaster Preparedness Webinar for Women, Children, Youth and Students, and Senior Citizens” na inilunsad ng NDRRMC at OCD kamakalawa .

Dito ay tinalakay ang mga paraan sa pagpapaigting ng kahandaan ng mga kababaihan, kabataan, mag-aaral at maging ng mga senior citizens mula sa banta ng panganib at sakuna.

Ayon kay Attorney Tecson John Lim, direktor ng Civil Defense Capacity Building and Training Service, mahalaga ang pagkakaisa sa oras ng panganib at sakuna.

“Nakita na natin ang kahalagahan ng ating pagkakaisa sa mga kalamidad at sakunang ating napagdaanan na. Ang pagkakaisa ay susi sa pagsasakatuparan ng lahat ng ating mga layunin tungo sa katatagan.” aniya.

Sinabi pa ni Director Lim na mas pinaigting ng pandemya ang pagnanais ng pamahalaan at publiko na magkaroon ng mas mahusay na paghahanda at programa tungo sa isang ligtas na komunidad.

Samantala, nagbahagi ang mga resource person ng mga hakbang tungo sa kahandaan gayon din ang adbokasiya ng kanilang mga organisasyon.

Ibinahagi ni Monalyn Bermijiso, Disaster Preparedness Program Lead ng Disaster Risk Reduction and Management Service-Department of Education (DRRMS-DepEd) ang gagampanan at kahalagahan ng mga kontribusyon ng sektor ng kabataan at mag-aaral sa pagkamit ng mas ligtas na komunidad.

Kaugnay naman sa mahalagang gagampanan ng mga kababaihan sa pagpapanatili ng kaligtasan may sakuna man o wala, tinalakay ni Deputy Executive Director Maria Kristine Josefina G. Balmes ng Philippine Commission on Women ang “Handang Juana: Women and DRRM Towards Disaster Resilience.”

Para sa mga senior citizen, binigyang diin naman ni Project Coordinator Agustinus Koli ng Coalition on the Services for the Elderly (COSE) ang kahalagahan na bigyang pansin ang ‘vulnerabilities’ ng mga nakatatanda at mga hakbang para sa pagtibayin ang kanilang kapasidad.

Bukod sa tatlong tagapagsalita, nagbahagi din si Country Program Manager Edwin M. Salonga mula sa Asian Disaster Preparedness Center ng mga kaalaman sa kung paano mas mapapalakas ang kakayahan ng mga indibidwal at nagkakaisang pagkilos o whole-of-nation and whole-of-government approach sa pagkamit ng katatagan.

Bilang sintesis ng nasabing programa, inilatag ni Deputy Executive Director Mayfourth Luneta ng Center for Disaster Preparedness (CDP) ang kahulugan ng “KA-bahagi, SA-ktong solusyon tungo sa, LI-gtas” na pamayanan.

Binigyang diin ni Assistant Secretary Hernando M. Caraig, Jr. ng OCD na ang disaster reduction and management ay responsibilidad hindi lamang ng pamahalaan kung maging ng lahat ng mga sektor at mamamayan.

“Patuloy nating isusulong ang whole-of-nation and whole-of-government approach bilang pagtugon sa mas komprehensibong pananaw sa mga kalamidad at sakuna na mahalaga sa pagbalangkas natin sa mga mekanismo at sistemang maiaangkop sa mga pangangailangan ng mga sektor at pamayanan”, ani Asec. Caraig.

Ang webinar ay bahagi ng First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong taon at nakapagtala ng tinatayang 91,200 views sa Facebook ngayong alas nuwebe nang umaga. VERLIN RUIZ