BARMM-TINURUAN ng DOST-PHIVOLCS at Ministry of Basic, Higher and Technical Education-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MBHTE-BARMM) ng pagsasanay sa Communicating Volcano, Earthquake and Tsunami Hazards ang Junior High School Teachers sa Cotabato City mula Hulyo 2-4.
Sa welcome message ni PHIVOLCS Director Teresito C. Bacolcol, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsasanay na bahagi ng TEACHVETDRR project ng Institute sa pagtulong sa mga guro na malaman ang higit pa tungkol sa mga panganib na idudulot ng pagputok ng bulkan, lindol at tsunami at maging handa kung paano tugunan ang mga epekto nito.
Tinalakay ng Science Research Specialist II na si Fatima M. Moncada ang DRRM Laws and frameworks, Child Rights Convention at pag-unawa sa mga panganib at sakuna.
Bilang isang seismically active na rehiyon na dinadaanan ng mga aktibong fault at napapaligiran ng mga trench, ang Mindanao ay hindi na bago sa mga lindol.
Binigyan rin ng kaalaman ang mga kalahok ni Jeffrey S. Perez, Supervising Science Research Specialist tungkol sa active faults, hazards at disaster prevention and mitigation strategies for earthquakes.
Samantala, tinalakay naman ng Science Research Assistant na si Kristine Dionne B. Lagunsad ang plate tectonics.
Ang isa pang potensyal na geologic hazard na kinakaharap ng BARMM ay tsunami.
Ang Supervising Science Research Specialist na si Joan C. Salcedo ay nagbigay ng lectures sa katotohanan tungkol sa tsunami at mga estratehiya sa pag-iwas dito.
RUBEN FUENTES