NAGHAIN si Atty. Andre R. de Jesus, isang litigator at university professor, ng disbarment complaint laban sa kapwa abogadong si Atty. Glenn A. Chong sa Supreme Court kahapon.
Magugunita na sa isang rally ng Kingdom of Jesus Christ, hayagang hinamon ni Atty. Chong si First Lady Liza Marcos na harapin siya nito nang sa gayon ay masampal niya ito “back-to-back.”
At hanggang kahapon ay walang administrative proceedings na pormal na isinampa laban kay Atty. Chong.
Bagama’t tumangging magkomento pa sa kanyang reklamo dahil sa confidential character ng disbarment proceedings, binigyang-diin ni Atty. de Jesus ang pangangailangan na pagtibayin ang “propriety and decency” sa legal profession.
“It is rudimentary that no person should engage in conduct that attacks the dignity of another lawyer or impute a crime without basis. We lawyers, who are presumed to know and are mandated to uphold the law, therefore, should not be heard threatening women with the infliction of physical harm,” sabi ni De Jesus.
“Walang lugar ang pambabastos sa legal profession. Hindi dapat tayo bastos, kahit sa ating mga katunggali: sa korte, sa pulitika, o sa buhay. At lalung-lalo na dapat hindi tayo bastos sa kababaihan,” dagdag pa niya.