(Discharges orders  sa 7 kadete simula na) REPORMA SA PMA

Noel Clement

INAASAHANG magiging prayoridad ng bagong talagang superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) ang pagreporma sa sistema nito.

Kasabay nito ang nakatakda pagpapalabas sa discharge orders para sa pitong kadete na sangkot  sa pagkamatay ni 4th class cadet Darwin Dormitorio.

Ito ang sinabi ni Armed Forces Chief of Staff Gen. Noel  Clement  kasunod ng ginawang change of command ce­remony para sa bagong superintendent ng  PMA sa Fort Gregorio Del Pilar, Baguio City.

“I will be giving to the new superintendent,  for him to look into so that we will be able to move on from this case and look forward to how we can effect the changes in the academy, ani Clement matapos na pormal nang manungkulan kahapon si Rear Admiral Allan Cusi bilang bagong PMA Superintendent.

Inihayag din ni Clement na pinasimulan na nila ang discharge orders  laban sa pitong suspek sa umano’y naganap na maltreatment na ikinasawi ni Dormitorio nitong Setyembre 18, 2019.

Kinilala na ni Cordillera-PNP director B/Gen. Israel Ephraim Dickson ang pitong kadete na sina Cadet 1CL Axl Rey Sanupao; Cadet 3CL Shalimar Imperial; Cadet 3CL Felix Lumbag Jr.; Cadet 3CL Tadena; Cadet 3CL Volante; Cadet 2CL Zacarias; at Cadet 3CL Manalo.

Nabatid na kasalukuyang under isolation  ang mga suspek sa stockade ng PMA dahil sa pagmaltrato ng mga ito kay Dormitorio at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law and/or murder.

Gayunpaman, depende pa rin umano sa piskalya kung ano ang kaso sa bawat suspek dahil puwedeng ilan dito ang mahaharap sa parehong kaso o kaya naman ay murder lang o paglabag lamang sa naturang batas.

Ayon kay Col. Allen Rae Co, direktor ng Baguio City Police Office (BCPO), isa sa mga roommate ni Dormitorio na namaltrato rin ang mag-sisilbing witness at tatayong isa sa mga complainant laban sa ilan sa mga suspek.

Pinag-aaralan din nila ang paglabag sa batas sa Anti-Torture Act dahil may “ambiguity” kung saan bahagi nito ang mga kadete na sakop naman ng Armed Forces of the Philippines.

Una nang sinabi ng pulisya na mahaharap din sa kasong criminal negligence ang dalawang medical personnel ng PMA Station Hospital dahil sa maling diagnosis at findings nang dinala sa PMA Station Hospital si Dormitorio noong Set­yembre 17.

Aniya, magsisilbi rin witnesses sa kaso ang 14 na mga kadete, dalawang staff, isang tactical officer at isang non-commission officer ng PMA.

Idinagdag ni Co na 100% nang nakahanda ang kasong isasampa laban sa mga suspek at hinihintay na lamang ang pagdating ng pamilya  ni Dormitorio sa Baguio City para magsampa ng pormal na kaso. VERLIN RUIZ

Comments are closed.