LUSOT na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10312 na magbibigay ng karagdagang discount sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs), bukod pa sa 20 percent at VAT exemption na natatanggap na nila ngayon.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, “bukod sa nasabing discount at VAT exemption, makukuha pa rin nila ang anumang discount o promotional offer ng establisimyento”.
“Halimbawa may 20 percent sale o promo ang tindahan o hotel o restaurant, dagdag pa ito sa diskwento nila at VAT exemption bilang mga senior at PWD”, paglilinaw ni Tulfo.
Anang Deputy House Majority leader, “hindi naman malulugi ang mga establisimyento dito dahil maari nilang gamitin ang mga discount na ito bilang deductible sa buwis na babayaran nila”.
Pinamamadali na aniya l ni House Speaker Martin Romualdez ang pagpasa ng nasabing batas.
“Ayon kay Speaker Romualdez ang mga senior at PWD ang pinakakawawa na sektor na dapat tulungan”, sabi ni Tulfo.
Umaasa si Cong. Tulfo na makalulusot ang HB 10312 sa Kongreso bago matapos ang taon at mapapakinabangan na ng mga senior at PWD ito.