DISENYO NG BAGONG P1-K IAAPELA SA BSP

AAPELA ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang desisyon nitong tanggalin ang mukha ng tatlong pambansang bayani at martir sa bagong disenyo ng P1,000 Philippine bill at pinalitan ito ng agila.

Sa regular flagraising ceremony nitong Lunes, inihayag ng punong lungsod na ang flora at fauna ay maaari pa rin namang ilagay nang hindi tinatanggal ang mga mukha nina Gen. Vicente Lim, Josefa Llanes-Escoda at Jose Abad Santos.

“Ako po ay talaga namang nalulungkot because the only way that the next generations will be reminded everyday sa mga taong nagbuwis ng buhay para sa atin ay ‘yung nakikita natin sila sa ating pera,” pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno.

Dahil dito, nanawagan ang alkalde sa publiko na tulungan siyang umapela sa BSP na muling pag-isipan ang disenyo ng bagong P1,000 bill na siyang pinakamataas na perang papel sa bansa, sa pangambang sumunod na rito ang iba pang perang papel.

“Maaring ‘yung ibang bayani, di na nasusulat sa aklat. Sa mukha man lang ng salapi makita natin sila dahil sila ang nagbuwis ng mga buhay para sa kalayaang tinatamasa natin ngayon. I hope you help me appeal to the BSP. Isiping muli ‘yung kanilanhg gagawin sa mga darating na araw. Sana, ‘wag namang tuluyang alisin ang mukha at name ng mga Pilipino na ating tnitingala bilang bayani ng bansa,” giit ng alkalde.

Upang bigyan diin ang kanyang punto, sinabi nito na ang dahilam ng pagtatayo ng mga estatwa at monumento ay upang bigyang pugay ang mga natatanging mga Pilipino na magbuwis ng kanilang buhay para sa bayan at upang ipaalala ang kanilang kadakilaan sa lahat ng mga dumadaan at nakakakita nito.

“Kung unti-unting mawawala ang mga bayani sa tingin ng susunod na henerasyon, wala nang makaka-alala sa kanila. Sino ang magpapaaalala sa kasaysayan kundi na masyadong naituturo sa paaralan at hindi na sila nakikita kung saan-saan? Sino pa ang magpapa-alala sa mga susunod na henerasyon,” diin ng alkalde.

Binanggit pa ng alkalde na ang mga bayaning Filipino na nagpakita ng ibayong pagmamahal at nakapag-ambag ng malaki sa bayan ay dapat na i-immortalized gaya ng dating alkalde ng Maynila na si Mayor Arsenio Lacson na siyang nagtatag ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila kung saan hindi na mabilang

ang mga taga-Maynila na nakinabang.
“We must continue putting names of our heroes in our money bills. Ang pera hawak araw-araw. Mahalaga at kaalinsabay niyan, importanteng i-remind sa tao ang kasaysayan at kabayanihan ng mga pambansang bayani,” anang alkalde. VERLIN RUIZ