DISIPLINA ANG KAILANGAN NATIN SA 2019

Magkape Muna Tayo Ulit

NATATANDAAN ko pa noong ako ay bata pa, panahon ng Martial Law, at ang yumaong Pa­ngulong Ferdinand Marcos ay may layunin na ayusin ang ating bansa matapos na magkaroon ng banta ng komunismo na tanggalin siya sa puwesto.

Dahil sa Batas Militar, nagpatupad si Marcos ng mahigpit na mga polisiya na nakatulong naman para magkaroon ng disiplina ang mga Filipino. Nagpatupad ng curfew. Bawal ang lumabas ng tahanan mula alas-12 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga. Ang sino mang mahuli ng mga awtoridad ay dadamputin at dadalhin sa Kampo Crame upang magbunot ng damo sa Grand Stand ng Crame.

Aaminin ko, natakot ang sambayanan sa pag-iral noon ng Martial Law.

Subalit sa kabilang banda, may kabutihan din tayong nakita na nakatulong sa pag-angat ng ating ekonomiya at kabuhayan noon. Ito ay ang DISIPLINA. Malaki ang ipinagbago ng ating bansa noong panahon ng Martial Law nang pairalin ang disiplina. Nagkaroon ng kaayusan. Bagama’t kaunti pa lamang ang mga tao at mga sasakyan noong mga panahon na iyon, alam ba ninyo na napapatigil ng mga traffic enforcer ang mga sasakyan sa gitna ng EDSA sa harap ng Farmer’s Market sa Cubao upang tumawid ang mga tao? Ang mga motorista at mananakay noon ay sumusunod sa batas trapiko at may disiplina ang lahat.

Dagdag pa rito ang maraming mga mensahe na ipinalalabas sa diyaryo, radyo at telebisyon tungkol sa mga mabu­buting asal o ugali. Ang mga halimbawa nito ay ang “Huwag magsiksikan, tayo ay magbigayan” at “Sa Ikauunlad ng Bayan, Disiplina ang Kailangan”. Ang hangarin ng rehimen ni Pangulong Marcos noon ay impluwensiyahan ang mga Filipino sa pagbabago ng pananaw ng sambayanan sa plano niyang ‘Ang Bagong Lipunan’.

Ang  nasabing mga mensahe noong panahon ng Martial Law ay akmang-akma sa pangangailangan natin ngayon sa kasalukuyang estado ng ating trapiko sa lansangan at ugali ng karamihan sa atin. Gusto kong linawin na hindi ako pabor sa Martial Law.

Ang nais ko lamang ay manumbalik ang ating kaisipan at diwa ukol sa kahalagahan ng disiplina upang umunlad ang ating bansa.

Ang polusyon sa kapaligiran ay dulot din ng kawalan ng disiplina upang ayusin ang mga makina ng mga jeepney, bus, taksi at iba pang mga sasakyan. Kaya marumi at maitim ang inilalabas na usok nito sa ating kapaligiran. Dagdag pa rito ay ang kakulangan ng disiplina upang i-regulate ang dumaraming mga sasakyan sa bansa.

Itong kawalan ng disiplina ay hindi lamang isinisisi sa pribadong sektor. Ang mga opisyal ng gobyerno sa pagpasok ng administrasyon ni yumaong  Pangulong Corazon Aquino hanggang sa mga kasaluku­yang opisyal ng pamahalaan ay bahagi rin ng kawalan ng disiplina. Ito ang dahilan kung kaya nawawalan ng tiwala at respeto ang sambayanan sa ating mga opisyal ng gobyerno. Wala tayong tiwala sa sistema ng halalan. Wala tayong tiwala sa paghawak ng mga opisyal sa mga malala­king proyekto na nagkakahalaga ng mil­yon-milyong piso. Wala tayong tiwala sa hustisya. Wala tayong tiwala sa ating mambabatas. Kaya kapag tayo ay sinisita sa batas trapiko, ang unang suspetsa ay kokotong ang ating mga traffic enforcer o kapulisan. At ang lahat ng ito ay dahil sa KAKULANGAN NG DISIPLINA! Haaaay…

Subalit umaasa ako sa adminsitrasyon ni Duterte. Ang kanyang estilo ng kamay na bakal marahil ang wastong paraan  upang sumunod tayo sa batas at magkaroon ng disiplina. Kaya ngayong 2019, umpisahan natin sa ating mga sarili na maging disiplinado sa pagrespeto sa ating mga batas, lalo na ang batas trapiko. Nakikita naman natin na ang pamahalaan ni Duterte ay seryoso upang ayusin ang ating bayan. Subalit hindi ito magagawang  mag-isa ng ating gobyerno. Kailangan ay makibahagi rin ang sambayanan upang makamit ito.

oOo

Nais kong batiin ng Happy Birthday ang masipag na tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga.

Comments are closed.