DISIPLINA ANG KAILANGAN SA EDSA

Joes_take

HINDI madali para sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad ang panukalang magbabawal sa mga provincial bus sa EDSA dahil sa kaliwa’t kanang batikos ng iba’t ibang grupo na ayaw sa suhestiyon para maibsan ang grabeng problema sa trapiko.

Una nang sinabi ng MMDA na layon nilang isara ang lahat ng terminal sa EDSA sa susunod na buwan, kaya umalma agad ang Ako-Bicol partylist sa Korte Suprema.

Pinalabas ng grupong ito na sa kapakanan daw ng taumbayan ang ginawa nila para hindi mahirapan ang paglalakbay nila galing sa mga lalawigan. Pero wala naman silang ibinigay na suhestiyon para malutas ang pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa EDSA. Gusto lang nilang umepal.

Inabisuhan din ng MMDA ang mga operator ng bus na gamitin na lang ang mga terminal sa Valenzuela, Sta. Rosa, Laguna at Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Nauunawaan ko na malaking adjustment ang gagawin din ng mga mananakay dahil kailangan nilang lumipat ng masasakyan patungo sa destinasyon nila sa Maynila dahil sa panukala. Pero marahil, dapat nating bigyan ng chance ang MMDA na ipatupad ang panukala bago tayo magreklamo agad.

Kung susuriin nating mabuti, may magandang mai­dudulot ang pagbabawal na pagpasok ng mga bus sa EDSA. Kailangan muna nating subukang  ipatupad ito bago natin tutulan.

Isang kaibigan na nanirahan sa Singapore at Hong Kong ang ‘di maiwasan na ikumpara ang disiplina ng tao sa  nasabing mga bansa pagdating sa pagsunod sa batas trapiko, kaysa sa ating mga Pinoy.

Ayon sa kanya, mas malusog ang mga tao roon kasi ang lalayo ng nilalakad nila para makarating sa kanilang mga patutunguhan, na itinuturing nilang isang epektibong paraan ng ehersiyo. May designated na terminal lamang kasi doon ang mga bus para huminto at magbaba ng pasahero.

Ginagampanan lamang ng MDDA ang kanilang mandato na magkaroon ng kaayusan sa ating mga lansangan. Bukas din silang makipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno kagaya ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) para maipatupad nila ang panukala ng ayon sa batas.

Ang maganda pa, para hindi mahirapan ang mga mananakay na bababa sa mga terminal sa Laguna at Pa­rañaque, nakikipagtulungan sila sa LTFRB at DOTr para maglagay ng mga point-to-point (P2P) bus para maipagpatuloy ng mga pasahero ang kanilang paglalakbay patu­ngong EDSA at Maynila.

Ayon sa MMDA, sisiguraduhin nila na ang singil sa P2P ay patas at ‘di kailangang magdagdag ng pamasahe para makarating sa kanilang patutunguhan.

Dapat masusi nating tingnan kung bakit gustong ipatupad ng MMDA ang panukala. Nais lamang nilang maging ligtas ang paglalakbay ng mga motorista sa EDSA.

Marami kasi sa mga driver ng provincial bus ang walang disiplina sa pagmamaneho. Sila ang hari sa mga expressway at ‘di sumusunod sa speed limit at inilalagay sa peligro ang buhay ng mga pasahero. Wala ring pakundangan kung magbaba sila ng pasahero sa EDSA kahit sa gitna ng kalsada.

Sang-ayon din ako sa suhestiyon nilang magpatupad ng window hours para sa mga provincial bus sa EDSA.

Ilang administrasyon na ang nagdaan at sinubok na lutasin ang grabeng trapiko sa EDSA pero hanggang plano lamang ang nangyari at hindi sila nagtagumpay.

Bakit hindi natin muna bigyan ng chance ang MMDA na ipatupad ang panukala, marahil sa loob ng tatlong buwan? Kapag hindi nagbunga ng kaayusan sa EDSA, saka natin punahin at maghanap ng bagong paraan.

Natatandaan ko pa noong dekada 70 nang ilunsad  ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang programang  ‘Disiplina Para sa Ikakaunlad ng Bayan’, marami sa mga Filipino ang sumunod sa mga batas. Iyan ang kailangan natin ngayon – disiplina – para magkaroon ng kaayusan sa ating mga kalsada.

Comments are closed.