DISIPLINA ANG MATIBAY NA SANDATA KONTRA COVID-19

TINIG NG PASTOL2

SA gitna ng ating kinahaharap na pagsubok sa panahong ito, ang susi upang tayo ay magtagumpay ay ang pagkakaroon ng disiplina. Tanging ang disiplina lamang ng bawat isa sa pagsunod, pagtalima at pag-iwas ang makakasalba sa atin upang hindi madamay sa pagka-lat ng lumalaganap na sakit. Salot man itong maituturing at ang ating kalagayan ay hindi nalalayong maikumpara na tayo ay nasa gitna ng isang digmaan, ang tanging sandata natin na dapat palakasin ay disiplina.

Batid kong hirap tayong tugunan ito dahil nasanay tayo sa palakasan, palusot, at patigasan. Ito ang makakapagpahamak hindi lamang sa atin kundi maging sa mga mahal natin sa buhay at sa ibang tao dahil mas binigyang pansin natin ang ating baluktot na prinsipyo upang magpasakop sa kasalu-kuyang panuntunan sa mas ikaliligtas ng sambayanan.

Hindi natin kayang labanan ang salot sa ating pakikipagsabayan sa kanyang pagkilos dahil hindi natin ito nakikita. Ang virus ay tunay na mapaminsala subalit may limitasyon din siya kung tayo lamang ay matututong sumunod sa mga patakaran upang mapigilan ang paglala nito. Hindi kaya ng bansa, ni ng pamahalaan ang pagtugon sa ating mga pangangailangan kung tayo mismo ang magpapalala ng sitwasyon. Ito na marahil ang angkop na panahon upang mas lalo nating ipamalas ang diwa ng ating PAGKAPILIPINO na may disiplina. Ang ating kakulangan sa kagamitan at pasilidad ay kayang masolusyunan kung tayo mismo ay magkakaroon ng disiplina.

‘Yun nga lang kapag umatake na ang ating pagkamakasarili at inisip na natin ang ating karapatan at kapakanan, mas pinalalala natin ang sitwasyon. Ang pagpapanatili sa loob ng bahay ay isang ligtas na paraan at isang mabisang kooperasyon sa pagpigil ng paglaganap ng virus sa ating pamayanan. Ito ay walang bayad, madaling gawin, at may malaking ambag sa pagpigil ng pagkalat nito. Dahil sa hindi natin batid kung sino ang nagdadala nito sa atin, magandang ang ating pagsasakripisyo ay maging tugon natin sa kasalukuyang kalagayan upang mas maagang patapos ang ating paghihirap at bumalik sa ayos ang lahat.

Madaling sabihin ang mga katagang ito subalit kung pagsisikapan nating gawin, tayo mismo ay maliligtas sa sakit na ito. Ang pansamantalang pag-tigil natin sa ating mga bahay gaano man ito kaliit o kalaki ay maari pa ring maging mabunga kung ibabaling natin sa pagpapalakas ng ating ugnayan bilang pamilya. Kahit sinira nito ang arawan nating pamumuhay at paghahanap-buhay, may makikita pa rin tayong magandang bunga kung lalawakan lamang natin ang ating pagtingin sa sitwasyon. Magandang magawa rito ang pagbibigay ng oras sa bawat isa upang mapagplanuhan ang buhay bilang pamilya. Kung puwedeng pag-usapan ang kalagayan ng bawat isa na hindi natin madalas magawa, palalimin natin ang ugnayan bilang pamilya lalo na sa ating sama-samang pagdarasal.

Paano kung wala kaming makain at limitado ang aming pambili? Dito papasok ang bayanihan ng pamayanan. Kung maisasaayos ang ating hanay sa hindi paglabas ng bahay, marahil isang hakbang ito upang maayos din ang pagpapamahagi ng pagkain sa bawat kabahayan. Pero hindi tayo makasasapit dito kung hindi tayo magkakaroon ng disiplina sa pagtalima sa hiling ng ating pamahalaan at mas pipiliin natin ang ating pansariling kapasyahan. Kooperasyon at suporta ang mga bunga ng disiplina na magpapalakas sa atin bilang pamayanan. Hindi lamang tayo pamilya, isa tayong pamayanan sa pagkakataong ito kung saan ang kapakanan ng lahat ay nakabalikat sa bawat isa.

Marami tayong agam-agam at takot, hindi naman talaga ito maiaalis sa atin. Subalit upang humupa ang tensyon mismo sa atin, halina at bigyang daan ang pagtalima sa ating pakikiisa sa panawagan ng bayan. Huwag tayong dumagdag sa bigat ng problema kundi maging solusyon sa paglutas nito. Sino ba naman ang makikinabang dito bandang huli kundi tayo rin mismo.

Kung kaya naman sa pagkakataong ito, pinaaabot ko rin sa mga naglalabas ng saloobin sa social media, kung hindi ito nakatutulong sa lipunan at mas pipiliin natin manira ng iba, hindi ito ang panahon upang malaganapin ang kasinungalingan bagkus panahon ito upang mas lalo nating palakasin ang loob at alisin ang takot sa bawat isa. Walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas subalit sa ating pagtalima sa pananalig sa Diyos, may pag-asa at kinabukasan. Matatapos din ang lahat, kailangan lamang nating ituwid ang ating pamumuhay ng may disiplina.

Comments are closed.