DISIPLINA AT PAGKAKAISA SUSI SA PAGLABAN SA VIRUS

Joes_take

MULA nang ibaba ang r­estriksiyon na ipinatutupad sa bansa mula sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ patu­ngo sa General Community Quarantine (GCQ) ay lalong nadagdagan ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nitong linggo lamang ay umaabot na sa halos 70,000 ang kabuuang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa at higit sa 40,000 rito ang naitalang mga active case. Pumapangalawa na ang Filipinas sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa rehiyon ng ASEAN. Nananatiling nangunguna ang bansang Indonesia na may higit 86,000 kasong naitala.

Kung inyong maaa­lala, naging kontro­bersiyal ang pagtatapos ng buwan ng Hunyo pagdating sa usapin ng datos ukol sa CO­VID-19. Ipinahayag kasi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na natalo ng bansa ang pagtatayang ginawa ng mga eksperto mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Ayon kasi sa mga ito, aabot sa 40,000 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng nasabing buwan.

Bagama’t hindi tumama ang pagtatayang ginawa ng mga eksperto mula sa UP, hindi pa rin maitatanggi ang katotohanan na patuloy na dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Hindi pa tapos ang buwan ng Hulyo, ngunit halos dumoble na ang kabuuang bilang ng naitalang kaso mula noong Hunyo na nasa higit sa 37,000 lamang.

Pagpasok ng buwan ng Hulyo, mapapansing tumaas ang bilang ng mga dumadagdag na positibong kaso kada araw. Sa katunayan, noong ika-19 ng Hulyo ay 2,241 ang naitalang bagong kaso.

Bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, maraming ospital sa Metro Manila ang naglabas na ng abiso ukol sa nalalapit na pag­dedeklara nito ng full capacity. Sa katunayan, ayon sa spokesperson ng East Avenue Medical Center (EAMC), malapit na ring maubusan ng espasyo sa kanilang ospital para sa mga nagkakasakit ng COVID-19. Sa isang panayam ay ipinahayag nito na mayroon silang mga pasyenteng positibo sa virus na nasa emergency room habang naghihintay ng mababakanteng kama at kuwarto para sa kanila.

Naglabas naman ng mandato ang Department of Health (DOH) upang maglaan ang mga ospital ng 30% ng kanilang mga kuwarto para sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na kaya lamang ipinahinto ang pagpapatupad ng ECQ ay dahil kailangan nang buma­ngon ng ekonomiya. Ito ay hindi nangangahulugan na ligtas na ang paglabas sa inyong mga bahay dahil wala nang virus. Hanggang walang mabisang bakuna laban sa COVID-19, mananatili ang banta nito sa kalusugan ng bawat isa.

Hindi ko maiwasang maiugnay ang muling paglobo ng kaso sa bansa sa nangyaring pagluwag ng ipinatutupad na community quarantine partikular na sa NCR, na siyang itinuturing na sentro ng COVID-19 sa bansa. Kapansin-pansin kasi ang mabilis na pagdami ng kaso matapos ipatupad ng pamahalaan ang mas maluwag na uri ng community quarantine.

Ang muling pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong transportasyon at ang mu­ling pagbubukas ng mga kainan at ilang mga tindahan sa mga mall ang siyang naghikayat sa mga tao na lumabas ng kani-kanilang mga bahay kahit hindi naman kinakailangan. Naiintindihan kong ito ay isang hakbang upang muling makabangon ang ekonomiya, ngunit ang problema ay tila nagkakaroon ng maling ideya ang mga mamamayan na maaaring lumabas anumang oras nilang gustuhin. Tila nakalimut na ang mga ito sa katotohanang nariyan lamang ang virus sa paligid at maaaring dumapo sa kanila anumang oras.

Bunsod ng mas maluwag na community quarantine, kailangang mahanap ng bansa ang balanse sa pagitan ng muling pagbubukas ng ekonomiya at ng pagpigil sa pagkalat ng virus. Ito ay isang bagay na hindi lamang maaa­ring iasa sa pamahalaan dahil magmula nang muling mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na lumabas ng kani-kanilang mga bahay ay nagkaroon na ito ng aktibong partisipasyon sa laban sa pan­demyang ito. Buhat nang magtapos ang ECQ ay responsibilidad na ng isang tao ang pa­ngalagaan at proteksiyonan ang kanyang sarili tuwing lalabas ng bahay.

Bilang tugon dito ay inilunsad ng DOH ang BIDA Solusyon upang malabanan ang CO­VID-19. Ito ay isang kampanya na may kinalaman sa social at behavioral change na nagpapaalala sa mga mamamayan kung paano maiiwasan ang virus. Ang bawat letra sa salitang BIDA ay may ibig sabihin: Bawal walang mask, I-sanitize ang kamay at iwas-hawak sa mga bagay, Dumistansya ng isang metro, at Alamin ang totoong impormasyon.

Ginagawa na ng pamahalaan ang bahagi nito laban sa CO­VID-19. Tayong mga mamamayan ay dapat ganoon din. Ang laban na ito ay hindi mapagtatagumpayan ng pamahalaan nang mag-isa. Kailangan ay tulong-tulong ang lahat ng sektor ng pamahalaan at ang mga mamamayan nito upang tuluyan nang mapigilan ang pagkalat ng virus. Kung ito ay kinaya ng ibang karatig-bansa, kaya rin ito ng mga Filipino. Ang a­ting disiplina bilang mga mamamayan ang siyang magiging susi upang maging epektibo ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan.

Kung ang bawat isa sa atin ay may malasakit at mahigpit na susunod sa mga panuntunang ipinatutupad patungkol sa pagkontrol ng virus, magiging mabilis at madali rin ang pagsugpo sa pandemyang ito kahit wala pang bakuna. Mas magiging mabilis din ang pagbangon ng ekonomiya kung lahat tayo ay magkakaisa. Huwag na nating hintaying umabot pa sa puntong magdesisyon ang pamahalaan na magpatupad na naman ng mas mahigpit na community quarantine kung ‘yun na lamang ang kanilang nakikitang solusyon upang mapigilan ang pagkalat ng virus. Tulungan natin ang pamahalaan. Tulu­ngan natin ang ating mga healthworker. Tulungan natin ang isa’t isa.

Comments are closed.