DISIPLINA PA RIN ANG KAILANGAN

TINIG NG PASTOL2

KUNG inyo pong mamarapatin, mga ginigiliw kong kapatid, ating pagnilayan ang kinahaharap nating sitwasyon. Hindi na ito biro at hindi na natin dapat itong balewalain dahil malaki na ang epekto nito sa ating kalagayan sa kabuuan at pangkalahatan: kabuhayan, buhay at maging katinuan. Lahat ng aspeto ng ating pagkatao ay apektado at damay sa lumalalang pangyayari dulot ng pandemya, krisis at suliran-ing yumayanig sa atin at maging sa loob ng ating sambahayan. Negatibo man ang dala nito sa atin, ang mapagtagumpayan ito ang pangunahin pa rin nating dapat pag-ukulan ng pansin.

Pero paano natin ito magagawa? Maaari lamang natin itong masimulan kung tayo mismo ang pagmumulan at pagsisimulan ng disiplina. Ang ating pagkakaroon ng disiplina sa sarili ay ang pangunahing sandata na ating kailangan sa pagharap sa banta ng krisis na ito. Matatalo tayo sa laban kung hindi tayo magkakaroon ng disiplina lalo pa at ang kapabayaan at pagbabalewala natin ang siyang dahilan ng paglala ng ating hinaharap na sitwasyon. Sa ka-bilang banda, hindi ito bago para sa atin lalo pa at sa simula’t simula pa ay itinuro na ito sa atin sa paaralan noong tayo ay bata pa lamang. Sa ating pagkakaroon ng disiplina mismo tayo magtataya, makikiisa at makikisangkot sa paglutas at pagsugpo ng pandemyang ito.

Kaya naman, sa ikalawang pagkakataon, ang pagkalumlom natin sa kumunoy ng krisis panlipunan ay maaaring mabago kung tayo mismo ay magkakaroon ng pagkakaisa, pagkukusa at pagtalima sa ating sitwasyon. Batid kong mahirap magsimulang muli, subalit mas mahirap kung walang pina-tutunguhan ang sakripisyo na ating pinagdaraanan. Kung tayo ay magsasama-sama lamang sa pagiging solusyon sa lumalalang krisis na ito, madali nating maibabalik ang dati nating kalagayan. huwag lamang tayong magkanya-kanya at magsisihan.

Kailangan din nating makinig at maging bukas sa maraming posibilidad. Marahil ang mga namumuno ay kailangan ding sumangguni sa mga eksper-to at hindi lamang pinagbabatayan ang sariling pananaw. Mas lalong mapapahamak ang sambayanan kung walang malinaw na direksiyon, plano, at pan-garap para sa ikabubuti ng lahat. Ito rin ay nagpapakita ng kawalan ng disiplina dahil kailangan ng kapakumbabaan upang maging bukas din sa kaalaman ng iba.

Marahil ang pagkakaroon ng masamang balak at paggamit ng sitwasyon para sa makasariling interes ang pumipigil upang magtulungan ang lahat. Pero kung ipagpapatuloy natin ito at hindi natin pahahalagahan ang sitwasyon ng ating mga kababayan, palalalain lamang nito ang sitwasyon. Hindi malayong marami ang masawi at puwedeng pagsimulan ito ng malawakang kaguluhan.

Hindi solusyon ang pamumulitika, subalit kung lagi natin dito dinadala ang mga usapin, pinalalala natin ang problema. Panlipunang pagkakaisa, pag-tutulungan at pagdadamayan ang kailangan ng ating bayan. Hindi ang pagkakanya-kanya. Kailangang pag-usapan ang solusyon at hindi paggawa ng ibang bagay na walang kinalaman sa ating pinagdaraanan. Kailan naging krimen ang magka-COVID upang ituring na criminal ang ating kapwa. At kailan tayo matatauhan sa magulong sistema, magigising sa lantarang paglapastangan sa ating karapatang pantao, at mamumulat sa mapanlinlang na pa-mamalakad.

Lumalala ang kawalan ng disiplina sa ating kapaligiran dahil na rin sa ating kapabayaan, kawalan ng pakialam at pagiging makasarili. Ito ang dahilan ng mabilis na paglaganap ng COVID sa bansa. Tataas ang bilang ng mga magkakaroon nito dahil hindi pa rin tayo nagkukusa na gumalaw, magdesisy-on at kumilos para sa bayan at sambayanan, para sa pamilya at pamayanan, para sa kabutihan ng taumbayan. Halina at atin nang simulan. Maging so-lusyon para sa ating kinabukasan.

Comments are closed.