TURUAN ang kabataan ng disiplina at tamang pamamaraan sa paggamit ng motorsiklo.
Sa ganitong panuntunan tinatahak ni motocross champion at organizer Sam Tamayo ang panghihikayat sa mga Pilipino, partikular sa kabataan para makilahok sa sport tungo sa pagiging mas responsableng motorcycle riders.
“Kami po sa MX Messiah Fairgrounds ang approach po namin ay holistic. Kinakausap namin ang mga parents at itinuturo ang kahalagahan at kabutihan ng sports na hinubog sa disiplina at tamang pamamaraan. Through this,‘yung mga parents na mismo ang nagdadala sa race track sa kanilang mga anak para maturuan and then later mag-compete,”pahayag ni Tamayo, isang pastor at kilalang dirtbike rider at motocross champion sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.
Aminado si Tamayo na isang maselang sport ang motocross at dirtbiking, subalit ang lahat ng agam-agam hinggil sa isyu ng aksidente at disgrasya ay mapapawi kung ang pundasyon ng riders ay hinubog sa tamang pag-aaral at disiplina.
“Kaya po nararapat lamang na tamang edukasyon sa pagmo-motor ang matutunan ng ating mga kabataan, para ma-enjoy nila ang sport at ligtas sila sa kalsada sakaling motorsiklo ang gamit sa transportasyon.
“‘Yung mga nababalitang aksidente sa motor sa kalsada ang dahilan po niyan ay kakulangan sa edukasyon at disiplina. Kung gusto mong makipag-unahan, mag-aral po muna tayo at sumali sa mga races namin dito ‘pag-ready ka na, makipag-unahan ka sa mga competitior,” sambit ni Tamayo sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Games and Amusements Board at PAGCOR.
Bilang pambungad na programa matapos ang mahabang panahon ng lockdown, haharurot ang motocross event ni Tamayo sa gaganaping amateur racing championship simula ngayong Sabado (Pebrero 26) sa MX Fairground sa Taytay, Rizal. Bukas ang karera sa mga kabataan na may edad 15-anyos pababa.
Ikinatuwa ni Tamayo na sanctioned ang torneo ng National Motorcycle Sports & Safety Association (NAMSSA) – ang tanging sports association na nangangasiwa sa grassroots development ng sport. EDWIN ROLLON