NAGING isang mainit na isyu noong nakaraang linggo nang tumangi si BBM sa imbitasyon ni Jessica Soho para sa isang interview ng lahat ng tumatakbo sa pagkapangulo nitong darating na eleksiyon.
Agad-agad na binatikos ang ginawang hakbang ni BBM sa hindi niya pagpapaunlak na sumama sa nasabing programa.
Teka. Ang una kong katanungan ay kung obligado ang kahit na sino man na tumatakbo sa pagkapresidente na sumali sa nasabing programa ni Jessica Soho? Ito ba ay may basbas ng Comelec?
Kasama ba ito sa requirement ng Comelec?
Pangalawa, ang pagkakaalam ko ay batay sa mga tuntunin ng Comelec, ang election period ay nagsimula noong ika-9 ng buwan na ito. Nagsimula na ang mga checkpoint ng kapulisan upang ipatupad ang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga baril.
Subalit para sa national elective posts, ang opisyal na panahon para sa kanilang campaign period ay magsisimula lamang sa ika-8 ng Pebrero. Samantala, ang mga lokal na kandidato ay sa ika-25 ng Marso.
Kasama na sa programa ng Comelec ay ang pagsasagawa ng tinatawag na presidential debate ng lahat ng mga kumakandidato sa nasabing posisyon.
Kaya saan natin ngayon titimbangin ang kahalagahan ng nasabing program ni Jessica Soho ukol sa kanyang imbitasyon sa mga presidential aspirant upang kilatisin ang bawat isa sa presidential aspirants?
Sa totoo lang, mahalaga ang nasabing programa ni Soho para sa mga kandidato na mababa sa survey ratings. Kinakailangan nila na mapanood at mapakinggan ng taumbayan kung ano ang plataporma at plano nila upang maiangat ang ating bansa.
Kaya sino ang pumayag sa programa ni Soho? Ito ay sina Leni Robredo, Ping Lacson, Isko Moreno at Manny Pacquiao. Kailangan pa ba ni BBM na lumahok sa nasabing TV program, ngayon at ang kanyang survey rating ay pumalo na sa mahigit na 50%? Haller?!
Kahit na sinong nangunguna sa election survey na napakalaki ng agwat, may panghawakan ito na mamili ng programa o okasyon na gusto niyang paunlakan. Ang tawag diyan ay ‘good strategic planning and management’. Hindi puwedeng ‘bara bara’. Ngayon kung ikaw ay nasa laylayan ng survey, siguro ay kahit na anong programa sa radyo, telebisyon at diaryo ay papatulan mo magkaroon ka lamang ng pagkakataon na makilala at gumanda ang numero sa survey ratings.
Hindi dapat masamain ang ginawang hakbang ni BBM. Diskarte ng kampo nila iyon. Ganun din sa mga ibang tumatakbo sa halalan na ito. Palagay ba ninyo si VP Leni ay papayag na mag- interbyu sa isang kilalang TV o radio host na alam niya na kilalang kritiko niya? Sige nga?
Sa akin lang, sana ay hindi na inihayag ng tagapagsalita ni BBM na si Atty. Vic Rodriguez ang dahilan o paghuhusga kay Jessica Soho na biased siya laban kay BBM. Wala silang obligasyon upang magpaliwanag kung bakit ayaw nila sumali sa nasabing programa.
Sabi ko nga, mataas ang survey rating ni BBM. Dapat ay ipagpatuloy lamang nila ang kanilang ginagawa sa traditional media at social media. Talagang marami ang babatikos kay BBM. Dapat ay huwag sila mapikon. Kasama ito sa mga hamon laban na kanilang tatahakin hanggang sa buwan ng Mayo.
Oo nga pala. Bakit lima lamang ang inimbitahan ng programa ni Soho? Hindi ba’t may 11 na presidential candidates na pinayagan ng Comelec? Inimbitahan ba nila sina Ernie Abella, Gerald Arcega, Ka Leody De Guzman, Norberto Gonzales, Faisal Mangondadato at si Jose Montemayor Jr?
Ano ang ibig sabihin nito? Kasama rin kasi sa agenda ng GMA-7 ang ratings game. Namimili din sila ng ige-guest. Hindi ko minamasama ito. Dapat lang naman na kasama ito sa kanilang plano upang mapanatili nila ang magandang estado sa kanilang industriya. Bagamat wala na ang ABS-CBN, nandiyan pa rin ang ibang TV networks na nag-iisip din ng mga programa upang tumaas ang rating nila para makakuha ng mas maraming advertisers. Negosyo lang po.