PINALAGAN ng Philippine Nurses Association, Inc. (PNAI) ang sunod sunod na kaso ng paglapastangan at diskriminasyon na nagaganap sa hanay ng mga frontliner o health workers ngayong kasagsagan ng pagkalat ng COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni Rosie de Leon, national president ng PNAI, dapat ng bigyan ng Department of Health (DOH) ng karampatang proteksiyon ang m nurses at iba pang health workers gaya ng karagdagang kompensasyon at iba pang benepisyo.
Ikinalungkot ng opisyal ang mga natatanggap ng kanilang samahan kaugnay sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE) ng nurses sa pagtugon ng kanilang mga tungkulin para labanan ang naturang sakit.
Aniya, ilang nurses ay gumagamit lamang ng garbage bags bilang kanilang pananggalang sa kanilang mga sarili laban sa nakahahawang COVID-19 bunsod ng kabagalan ng mga awroridad sa pagpapadala ng kumpletong PPE sa mga health worker ng bawat ospital.
Bukod pa rito, kinondena rin nito ang kanilang nararanasang physical abuse kung saan isang health worker ang sinabuyan ng bleach o clorox sa mukha kamakailan na nagresulta sa pagkasira ng paningin nito at diskriminasyon sa pagtanggi sa ilang nurses para makasakay patungong ospital gayundin ang pagtanggi sa pagpapalaba ng kanilang mga uniporme sa ilang laundry shops.
Kasunod nito, hiniling ni De Leon sa DOH na unahin din na maisailalim sa pag-test ang nurses na ilan ay itinuturing na persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM) upang agarang maagapan at maprotektahan ang mga nasa frontliners na itinuturing na bayani ng kasalukuyang panahon.
Bukod pa rito, apela ng PNAI sa pamahalaan na bigyan na ng temporary shelter ang nurses upang hindi na rin mahirapan ang mga ito sa kanilang pag pasok sa mga ospital. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.