IWASAN ang diskriminasyon sa trabaho at hindi dapat ipinakikitang mas pinapaboran ang kalalakihan kumpara sa kababaihan dahil lamang sa pag-iwas ng mga kumpanya sa pagbabayad ng dagdag benepisyo partikular ang pagbabayad sa maternity leave claims.
Ito ang pakiusap ni Senador Sonny Angara sa mga employer na umaming iniiwasan nila ang pagkuha sa serbisyo ng kababaihan sa kanilang tanggapan dahil sa maternity leaves na kailangang bayaran pa rin nang buo.
“Sana, iwasan ng mga employer na mag-hire ng mga bagong empleyado na gender-based, lalo’t ang intensyon nila ay iwasan ang pagbabayad ng maternity benefits. Hindi ito patas at higit sa lahat, ang ganitong gawain ay ilegal,” ani Angara, co-author at sponsor ng RA 11210 na naglalayong palawakin ang paid maternity leave nang hanggang 105 na araw mula sa orihinal na 60 days lamang.
Reaksiyon ito ng senador kaugnay sa isinagawang survey ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP na nagsasabing malaki umano ang magiging epekto ng Expanded Maternity Leave sa desisyon ng mga kumpanya na kunin ang serbisyo ng mga babaeng empleyado.
Sa naturang survey, lumabas na 66 porsiyento ng may 70 kumpanya na sumailalim sa naturang survey ay nagsabing apektado umano ng nasabing batas ang kanilang pagdedesisyon na mag-hire ng female employees. Gayunman, hindi naman nila nilinaw kung tuluyan na nga ba nilang tatanggihan ang aplikasyon ng mga babaeng empleyado o lilimitahan lamang nila ang bilang ng mga ito.
Ani Angara, isa sa mga awtor ng RA 7910 o ang Magna Carta of Women na nagbabawal sa diskriminasyon laban sa kababaihan, dapat bigyan ng patas na oportunidad ng mga kumpanya ang mga babae lalo na kung kuwalipikado naman ang mga ito sa pinapasukan o inaaplayang trabaho.
Nilinaw pa ni Angara na binuo ang naturang batas, hindi para hikayating mas paboran ng mga employer ang pagkuha sa serbisyo ng kalalakihan kundi upang ibigay lamang sa kababaihan ang nauukol na benepisyo, karapatan at pangangalaga sa kanila.
“Malinaw na nakasaad sa batas na hindi dapat pinaiiral ng mga employer ang diskriminasyon sa kababaihan sa kanilang tanggapan dahil lamang sa ayaw nilang magbayad ng maternity leave credits,” anang senador.
Partikular na tinutukoy sa Section 18 ng RA 11210 na sinumang susuway sa naturang probisyon ay papatawan ng kaukulang parusa tulad ng pagmumulta ng mula P20,000 hanggang P200,000 at pagkabilanggo nang hanggang anim na taon, isang araw o hindi hihigit ng 12 taon.
Kung ang pagsuway ay mula sa isang asosasyon, partnership, korporasyon o anumang institusyon, ang pananagutin dito ay ang managing head, ang mga direktor o partners dahil hinayaan nilang mangyari ang diskriminasyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.