NANANAWAGAN si Senador Win Gatchalian na iwasan ang diskriminasyon na ibinabato sa mga Chinese lalo na’t nahaharap ngayon, hindi lang ang bansa kundi ang buong mundo sa isang krisis na dulot ng coronavirus disease (COVID-19).
Naniniwala si Gatchalian, hindi ugali ng mga Filipino ang nagdi-discriminate lalo na’t ang kultura ng Filipinas ay kilalang isa sa may pinakamalawak pagdating sa lahi at nasyonalidad.
Ayon sa senador, ito ang tamang panahon para magkaisa ang bansa tungo sa isang hangaring masugpo ang tunay na kalaban, ang wakasan ang salot na bumabalot sa kalusugan at kaligtasan nating lahat.
Mula nang i-anunsiyo ng mga awtoridad ang unang kaso ng novel coronavirus sa bansa, marami na ang kumutya sa mga Chinese na kahit ‘yung mga maayos nilang kapwa Chinese ay nadamay sa pangungutya.
Sinasabing diskrimasyon din ang ginawa ng Adamson University nang maglabas ito ng memo na huwag munang papasukin ang mga estudyanteng Chinese sa loob ng 14 na raw hangga’t hindi pa sila tapos mag self-quarantine. Humingi naman ng paumanhin kalaunan ang eskuwelahan sa naging hakbang.
Hindi rin matapos-tapos ang sangkatutak na ibinabatong galit at pangungutya sa mga Chinese sa internet, halimbawa sa social media. Isipin natin na maraming Chinese nationals din ang tumutulong sa ekonomiya ng Filipinas sa pamamagitan ng ligal na pagnenegosyo at pagbabayad ng buwis.
“Nakakalungkot isipin na sa gitna ng isang krisis ay ngayon pa tayo magkakawatak-watak. Ang kailangan natin ay magsama-sama para sugpuin ang tunay na kalaban,” ani Gatchalian.
“Ang tunay na kalaban ay ang patuloy na pagkalat ng virus na mismong mga Chinese rin ay nabibiktima. Lahat tayo ay biktima kaya huwag nating hayaang pangunahan tayo ng pagkalat ng kultura ng galit sa iisang lahi lamang,” dagdag pa nito.
Gayundin, mismong Department of Health (DOH) na ang nanawagan sa publiko na hindi makatutulong sa pagpuksa ng virus ang diskriminasyon. Mas mainam na sundin na lang ang payo ng mga eksperto sa pag-aalaga ng pangangatawan at pagpapanatili ng kalinisan nito para makaiwas sa anumang sakit. VICKY CERVALES