WALANG tigil sa pagtaas ang COVID-19 cases sa bansa.
Nitong Miyerkoles, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 22,958 na bagong kaso.
Laging nagbibigay ng babala ang OCTA Research Group na maaaring tumaas pa ito sa mga susunod na araw.
Gayunman, kahit maraming dinadapuan ng impeksiyon araw-araw, nasa Alert Level 3 pa rin ang National Capital Region (NCR).
Hindi naman daw kasi makabubuti kung itataas pa sa Alert Level 4 dahil masasapol nito ang ating ekonomiya.
Mismo ang World Health Organization (WHO) ay nagsabi na hindi ito pabor sa mas mataas pang alerto.
Madalas inaanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapag tumaas ang kaso, hihigpitan ang galaw ng mga hindi bakunado.
Umabot pa nga sa punto na iniutos ng punong ehekutibo na arestuhin ang mga gumagalang indibidwal na hindi bakunado lalo na sa Metro Manila.
Nasa sentro kasi ng outbreak ang rehiyon.
Kaya naman, para raw mapigilan ang unvaccinated persons na makagala pa, naglabas ng isang kautusan ang Department of Transportation (DOTr) ukol dito.
Simula nitong Lunes, Enero 17, hindi na pinapayagang makasakay sa lahat ng pampublikong transportasyon ang mga hindi bakunado.
Saklaw ng direktiba ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, mapasasakyang panlupa, panghimpapawid at pandagat.
Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang attached agencies at sectoral offices ng DOTr na ipatupad ng mga operator ng public transportations ang ‘no vaccine, no ride’ policy.
Para makabiyahe, kailangang magpakita ng LGU-vaccine card ang mga pasahero.
Ang mga may kondisyon na hindi puwedeng bakunahan ay kailangang magpakita ng medical certificate mula sa kanilang doktor na nagsasaad na exempted sila rito.
Ang masaklap, sa unang araw ng implementasyon, maski ang mga awtoridad ay tila hindi alam ang gagawin.
Maraming pinauwi, kahit ang essential workers.
May isang manggagawa pa nga na napaiyak nang pauwiin siya dahil naka-first dose pa lang siya ng bakuna.
Nilinaw na rin ng DOTr, gayundin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, na hindi sakop ng polisiya ang mga obrero.
Itinuturing kasing “essential activity” ang workplace kaya hindi sila dapat kasama sa mga dapat sinisita.
Siyempre, dapat malaman ng mga tagapagpatupad ng polisiya na bukod sa essential workers, exempted din dito ang mga bibiyahe para magpa-
medical check-up o examination, bibili ng essential goods, mag-a-apply para sa lisensiya, pasaporte, at iba pa, at maging ang mga magpapabakuna.
Hirap na hirap na nga raw sila sa pagko-commute, aba’y pinahihirapan pang pumasok sa trabaho.
Sa totoo lang, bago pa lamang inilabas ng DOTr ang direktiba ay talagang inuulan na ng kritisismo ang ahensiya.
Para sa ilang sektor na kinabibilangan ng mga abogado at politiko, malinaw na ito’y anti-poor daw na polisiya, isang uri ng diskriminasyon, at paglabag sa mga karapatang pantao.
Ang nasisita lang kasi ay ang mga manggagawa na sumasakay sa mga pampublikong sasakyan at hindi nakikita ang mga hindi pa bakunadong naka-kotse.
Maging si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na aminadong hindi rin bakunado ay nanawagan sa mga awtoridad na huwag i-disriminate ang unvaccinated individuals.
Isipin na lang po natin kung gaano kalaki ang mawawala sa kanilang pamilya sa ilang araw na hindi pagpasok dahil hindi sila bakunado.
Dahil sa kalituhan sa pagpapatupad ng ‘no vax, no ride’ policy, malinaw na nagkulang ang DOTr at maging ang iba pang mga kinauukulang ahensiya sa “information drive”.
Oo, talagang kailangang gawin ang lahat ng paraan para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID at dapat sundin ng lahat ang polisiya ng gobyerno.
Ngunit huwag namang isama ang mga pumapasok na manggagawa na umaasa lamang sa kapiranggot na suweldo para sa pamilya.
Tandaan po natin na wala pang batas na nag-oobliga sa lahat na magpabakuna.
Kahit sa ilang mauunlad na bansa ay hindi sapilitan ang pagbabakuna at binibigyan lamang ang may mga pahintulot.
Ang pagtanggap ng anti-coronavirus vaccines ay gagawin lamang sa sariling pagkukusa sa oras na maunawaan ang maaaring maging epekto rito at maging ang ilang side effects.
Huwag namang pilitin ang mga tao sa lugar ng trabaho o mga nasa paligid na tumanggap ng mga pagbabakuna, at huwag i-discriminate ang iba na hindi pa nakakatanggap nito.
At mas maiging hikayatin ng LGUs o local government units ang kanilang nasasakupan na magpabakuna na at kung maaari ay bigyan ng incentives tulad ng ginagawa sa lungsod ng Quezon.
Para masugpo ang virus at maabot ng buong bansa ang herd immunity, kailangang mahikayat din ang lahat na magpabakuna.