DAHIL may libre nang edukasyon, dapat ay may diskuwento rin sa pagbili ng mga libro at school supplies, at iba pang gastusin ng mga mahihirap na mag-aaral sa buong bansa.
Ito ang nilalaman ng panukalang batas ni Senador Sonny Angara, na naglalayong pagaanin ang pagbalikat ng mga magulang sa edukasyon ng kanilang anak.
“Balik eskuwela na naman. Siguradong excited na ang mga bata mamili ng mga bagong gamit sa school, pero para sa mga magulang, panahon na naman ito ng malaking gastos. Kaya ipinanukala natin ang pagbibigay ng diskuwento para mapagaan ang gastusin ng pamilya sa pag-aaral,” ani Angara, kilalang tagapagsulong ng mga repormang pang-edukasyon.
Sa ilalim ng kanyang panukala, ang Senate Bill 134, lahat ng mahihirap na estudyante sa elementarya, high school, kolehiyo at maging ang mga naka-enrol sa technical-vocational institutions ay pagkakalooban ng 5-percent discount sa libro, school supplies, food establishments, sa pagbili ng gamot, sa pagpasok sa museums, sinehan at sa cultural events.
Base pa rin sa panukala, ang mga kuwalipikado ay iyong mga estudyanteng ang mga magulang ay may pinagsamang kita na ‘di tataas sa P150,000 kada taon.
Pasok din dito ang isang working student, sa kondisyong hindi rin tataas ang pinagsama-samang kita ng kanyang buong pamilya sa P150,000 buong taon.
At upang maiwasan ang mga posibleng anomalya, bawat mag-aaral na sasailalim sa benepisyong ito ay bibigyan ng student discount card na magpapatunay ng kani-kanilang kuwalipikasyon.
Liban sa diskuwentong ito, nakalahad din sa panukala na dapat ding pagkalooban ng 5-percent discount sa matrikula ang mga nabanggit na estudyante.
“Habang libre na ang tuition sa high school at kolehiyo, malaking bahagi pa rin ng gastusin sa pag-aaral ang libro, school supplies, uniform at araw-araw na baon ng mga bata para sa pamasahe at pagkain,” saad pa ni Angara, isa sa mga awtor ng Free College Law, at anak ng namayapang senador na si Senator Ed Angara, na siya namang principal author ng Free High School Law.
Si Angara rin ang awtor ng isang panukalang batas na nagkakaloob ng mas pinalawak na student fare discount sa lahat ng uri ng transportasyon. Sa panukalang ito, hindi lamang mula Lunes hanggang Biyernes ang fare discount kundi maging sa weekends at sa holidays at summer vacation.
Ang panukalang SB 134 ni Angara ay naglalayon ding magkaloob ng tax incentives sa mga establisimyentong tumutupad sa student discounts, habang ang mga lumalabag naman ay papatawan ng kaukulang parusa o pagmumulta. VICKY CERVALES
Comments are closed.