DISPLACED VENDORS BIGYAN NG PUWESTO

Sen Sonny Angara-4

BAGAMAN mabuti, malinis at kaaya-aya ang mga lugar na sumasailaim sa clearing ope­rations sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan, subalit kailangan din na may solidong programa ang local government executives para sa kani-kanilang mamamayan na maaapektuhan ng operasyon.

Ito ang ipinahayag ni Senador Sonny Angara kaugnay sa patuloy na pagpapatupad ng clearing operations sa iba’t ibang lugar sa Kalakhang Maynila.

Aniya, mainam para sa komunidad ang malinis at maluwag na daan para sa publiko at sa trapiko, subalit dapat ding isipin ng local exe­cutives ang apektadong kabuhayan ng vendors na ang tanging pinagkakakitaan ay ang pagbebenta ng iba’t ibang produkto sa bangketa.

“Naiintindihan natin ang kanilang layunin sa clearing operations. Gayunman, paano naman ang kapakanan ng ating informal sector? Unang-una, ‘di tulad ng mga re­gular na empleyado, wala silang social protection tulad ng SSS o GSIS at iba pang tulad nito. Ilegal man sila o hindi, ang mga pangan-gailangan nila sa buhay ay tulad din ng sa atin,” ani Angara.

Dahil dito, nanawagan ang senador sa LGUs na dahil hindi maaaring manatili sa main thoroughfares ang vendors, dapat silang bigyan ng nauukol at permanenteng pasilidad upang hindi naman sila tuluyang mawalan ng pagkakakitaan.

“Kailangan mababa lang ang singil sa mga pwestong ibibigay sa kanila. Ang importante, hindi sila mawalan ng hanapbuhay. Ilang libong pamilya din ang pinag-uusapan natin dito,” ayon sa senador.

Kaugnay naman ng barangay halls, police precincts at iba pang public structures, sinabi ni Angara na dapat itong balikatin ng LGUs at hanapan sila ng nararapat na lugar.

“Hindi naman kasi dapat na may mga opisina na nakatayo sa mga sidewalk at kalsada. Trabaho nila ang magbigay ng seguridad at iba pang serbisyo sa mga tao pero kung sila din mismo ang nagiging sagabal sa nakararami, talagang may malaking pagkakamali roon,” aniya.

Matatandaang isa ang clearing operations sa public roads sa mga tinuran ni Pangulong Duterte sa kanyang ikaapat na SONA kamakailan at iniatas ang pagpapatupad nito sa local government units at sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA .

Bilang pagtalima naman, agad inatasan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) at lahat ng Metro Mayors na linisin ang kani-kanilang nasasakupan at binigyan ng palugit hanggang Set­yembre ngayong taon. VICKY CERVALES

Comments are closed.