(District chief, tauhan huli sa buy bust) HANAY NG PDEA LILINISIN, KAKALUSIN

NANGAKO ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mas palalakasin nito ang internal counter-intelligence efforts upang linisin ang kanilang hanay, kasunod ng pagkaka-aresto sa district chief at tatlong tauhan nito sa isang buy bust operation sa mismong tanggapan ng ahensiya sa Taguig City.

Sa isang statement, sinabi ng PDEA na hindi nila papayagang mabahiran ang integridad ng ahensya sa paningin ng publiko, at nagsasagawa na umano sila ng malalimang imbestigasyon upang malaman ang pinaka ugat ng pangyayari.

Nitong nakaraang Martes, naaresto ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang apat na katao sa isang buy bust operation sa loob mismo ng PDEA southern district office sa A. Bonifacio St., Brgy, Upper Bicutan, Taguig City, kung saan nakumpiska ang mahigit P9 milyong halaga ng shabu.

Kabilang sa naaresto ay ang mismong PDEA district office chief at tatlong ahente nito.

Kasabay nito, binigyang-diin ng PDEA at Philippine National Police (PNP) ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng law enforcement agencies para matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng national anti-drug campaign.

“Both organizations have agreed to strengthen their collaborative efforts in order to deal decisive and crippling blows to organized local and international drug syndicates, including going after scalawags in drug law enforcement,” batay sa inilabas na pahayag ng PDEA. EVELYN GARCIA