DITO POSIBLENG MAWALAN NG PRANGKISA SA KANSELASYON NG P8-B SRO NITO

DITO TELECOM

POSIBLENG mahirapan ang DITO Telecommunity Corp. na matugunan ang nalalabi nitong rollout sa pamahalaan sa 2024 dahil sa mahinang demand mula sa institutional investors.

Dahil sa kawalan ng kumpiyansa ng mga investor, ang  P8 billion stock rights offering (SRO) ng DITO CME Holdings Corp, ang majority stockholder ng DITO Telecommunity, ay kinansela, dahilan para humingi ng tulong ang DITO CME sa foreign lenders.

Ito ay sa gitna ng pagbaha ng mga reklamo sa umano’y palpak na serbisyo ng DITO, partikular ang mahina o kawalan ng signal, mabagal o kawalan ng internet connection, hindi gumaganang app, hindi pagiging compatible ng SIM cards sa ibang phones, promotions na hindi magamit ng netizens at poor customer service.

Ang pagkansela sa P8-billion SRO ay nagdulot ng pagdududa sa naging pahayag ng DITO Telecommunity na kaya nitong ibigay sa publiko ang uri ng serbisyong hindi naipagkaloob ng Globe Telecom at PLDT Inc.

Ang pagtiyak ng DITO CME na nakakuha ito ng long-term debt arrangements sa foreign lenders ay nagdulot ng pagdududa na may kaugnayan ito sa China.

Ito’y dahil ang state-owned China Telecom Corp. ay technical partner at pangalawang pinakamalaking stockholder ng DITO Telecommunity.

Ayon sa industry sources, may ‘pressure’ ngayon sa DITO CME na makakuha ng karagdagang pondo para sa DITO Telecommunity sa lalong madaling panahon.

“Failure to meet its rollout commitment on time means it would lose its franchise and, worse, forfeit its multibillion peso performance bond,” dagdag ng source.

Sa kasalukuyan, ang DITO ay mayroon nang limang milyong subscribers at target nitong mapalobo ito sa 12 million ngayong taon sa pagtatayo ng mga karagdagang cell sites sa mga bagong lokasyon.

Hanggang December 2021, ang DITO ay nakapaglatag na ng serbisyo sa mahigit 500 lugar sa buong bansa. Nakapaglatag din ito ng mahigit sa 22,000 kilometers ng fiber cable at nagtayo ng mahigit 4,100 towers.