OAKLAND, Calif. – Tumipa si Stephen Curry ng 25 points, kabilang ang limang 3-pointers, at dinurog ng Golden State Warriors ang Charlottes, 137-90, noong Linggo ng gabi upang kunin ang kanilang ika-5 sunod na Pacific Division title at ipalasap sa Hornets ang pinakamasama nitong pagkatalo sa season.
Gumawa si Curry ng lima o higit pang 3s sa career-best eight straight games. Sa kasakukuyan ay mayroon siyang 335, ang kanyang second-most sa isang season sa likod ng NBA-record 402 na kanyang naitala noong 2015-16.
Naiposte ni Klay Thompson ang inisyal na 9 points ng Golden State at tumapos na may 24 at anim na 3s. Nagdagdag si Quinn Cook ng 21 points mula sa bench.
Kumamada si Willy Hernangomez ng 22 points – 14 sa free throws – para sa Hornets. Nalimitahan si Charlotte leading scorer at All-Star Kemba Walker sa 9 points para sa kanyang ikatlong laro sa season na hindi umabot sa double figures.
MAVERICKS 106, THUNDER 103
Nagbuhos si Trey Burke ng 25 points at 8 assists, naitala ni Dwight Powell ang winning basket sa isang dunk, may 21 segundo ang nalalabi, at ginulantang ng Dallas, naglaro na wala si star rookie Luka Doncic, ang Oklahoma City.
Tumipa si Jalen Brunson ng 18 points, nagdagdag si Devin Harris ng 15, at humablot si Dirk Nowitzki ng season-high 13 rebounds at 7 points para sa Mavericks.
Tumirada si Russell Westbrook ng 25 points, 11 rebounds at 11 assists para sa kanyang 30th triple-double sa season, at nag-salansan si Paul George ng 27 points at 11 rebounds para sa Thunder, na sinelyuhan ang Western Conference playoff spot noong Sabado nang matalo ang Sacramento Kings.
HAWKS 136, BUCKS 135, OT
Naagaw ni Trae Young ang deflected inbounds pass at naisalpak ang isang last-second jumper upang iangat ang Atlanta laban sa kulang sa taong Milwaukee.
Nakalikom si Justin Anderson ng 24 points at 12 rebounds para sa Atlanta, at tumapos si John Collins ng 23 points at 12 boards. Gumawa rin si Alex Len ng 23 points, habang tumapos si Young na may 12 points at 16 assists.
Umiskor si Sterling Brown ng 27 points para sa Milwaukee, kabilang ang go-ahead layup, may 1.1 segundo ang nalalabi sa overtime.
LAKERS 130, PELICANS 102
Bumira si Alex Caruso ng career-high 23 points sa kanyang 20th NBA game sa season nang igupo ng Los Angeles ang New Orleans.
Nakalikom si JaVale McGee ng 23 points at 16 rebounds, at nagdagdag si dating Pelican Rajon Rondo ng 24 points at 12 as-sists para sa Los Angeles sa larong wala pareho ang ‘biggest stars’ ng dalawang koponan: LeBron James ng Lakers at Anthony Davis ng Pelicans.
Sa iba pang laro ay ginapi ng Wizards ang Nuggets, 95-90; pinadapa ng Kings ang Spurs, 113- 106; at iginupo ng Clippers ang Grizzlies, 113-96.