‘DIVORCE BILL’ INAPRUBAHAN SA HOUSE COMMITTEE

kamara

LUSOT na sa House Committee on Population and Family Relations ang panukalang batas para sa pagkakaroon ng ‘absolute divorce’ at ‘dissolution of marriage’ sa bansa.

Sa pamamagitan ng itinatakda ng Rule 48 ng House Rule ng Kamara de Representantes, agad na naaprubahan ang ‘divorce bill’, na magugunitang lumusot na rin sa ikatlo at hu­ling pagbasa sa nakaraang 17th Congress.

Base sa itinatakda ng Rule 48, ang isang panukalang batas na inaprubahan sa plenar­yo ng Lower House sa nakaraang Kongreso at muling inihain sa kasunod na Kongreso ay kailangan lang na isalang sa isang  pagdinig ng komite at maaari na rin itong aprubahan agad ng huli.

Nanindigan ang mga nagsusulong ng diborsyo sa bansa na hindi ito makasisira sa ins­titusyon ng pamilya oras na maisabatas.

Naniniwala rin sila na mapabubuti pa ang sitwasyon ng pamilya dahil magkakaroon ng mas maayos na kustodiya ang mga anak na siyang biktima ng ‘irreconcilable difference’ sa  pagsasama ng mag-asawa.

Samantala, bumuo naman ng technical working group para pag-isahin ang tatlong panukala kasama na ang mga position paper ng iba pang stake-holders.

Target na makapagsumite ng committee report kaugnay ng naturang panukala bago matapos ang Pebrero para maisalang na ito sa plenaryo. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.