DIWA NG BAYANIHAN NAMAYANI SA BRIGADA ESKWELA 2023

ITINAMPOK  ng Department of Education (DepEd) ang diwa ng bayanihan, pagtutulungan ng mga stakeholder at partner nito sa pambansang kick-off ng 2023 Brigada Eskwela (BE) kahapon sa Tarlac National High School.

“Ang Brigada Eskwela Schools Maintenance Week ay isang apela sa bayanihan spirit ng bawat Filipino na tumulong sa paghahanda ng ating mga paaralan para sa pagbubukas ng mga klase,” ani Vice President and Secretary of Education Sara Z. Duterte.

Sa temang “Bayanihan Para sa Matatag na Paaralan,” binigyang-diin ng BE ngayong taon ang mga volunteer initiatives ng bansa upang matiyak ang isang malinis, ligtas, inklusibo, at child-friendly na kapaligiran sa pag-aaral para sa mga estudyante at mga guro at non-teaching, at palakasin ang katatagan ng mga paaralan.

Ang Departamento ay naglabas ng DO No. 21, s, 2023, o kilala bilang 2023 Brigada Eskwela Implementing Guidelines, upang gabayan ang mga paaralan sa pagpapatuloy ng mga aktibidad sa pakikipagtulungan at tiyakin ang pagkakahanay nito sa mga bahagi ng MATATAG Agenda.

“Ang Brigada Eskwela ay pina-simple po namin, kung nakita ninyo sa Department Order na inilabas namin para maintindihan ng lahat. Ginagawa lang nitong functional, malinis, at maayos ang ating mga paaralan, sa loob at labas ng mga silid-aralan, at sa loob ng mga school sites,” paliwanag ni VP-Sec.Duterte.

Mula Agosto 14 hanggang 19, ang programa ng adbokasiya ay naglalayong hikayatin ang mas maraming lokal na pamahalaan, komunidad, negosyo, non-government organization (NGOs), at iba pang lokal at pambansang katuwang na suportahan ang pagpapatupad ng BE at mag-ambag sa sapat na paghahanda ng mga pampublikong paaralan para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Sa ngayon, ang DepEd ay nakatanggap ng humigit-kumulang P44 milyong donasyon mula sa mga kasosyo para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa at humigit-kumulang P1.6 milyong donasyon para sa Tarlac National High School.

Para sa BE ngayong taon, ang Departamento ay hindi na magsasagawa ng mga paligsahan para sa Best Implementing School Awards, Hall of Fame Awards, at Brigada Plus sa pambansang antas upang bigyang-diin ang tunay na diwa ng bolunterismo.

Ang mga paaralan, distrito, at dibisyon ay maaari pa ring magbigay ng pagkilala sa mga kasosyo at stakeholder na lumahok sa BE.

Ang hakbang na ito ay upang ganap na pigilan ang mga paaralan, mga pinuno ng paaralan, mga guro, at iba pang tauhan na magsagawa ng mga solicitations para magtaas ng kontribusyon para sa pagsasagawa ng mga aktibidad ng BE nito.

Bumisita si Duterte sa mga booth ng 31 partner organization ng DepEd na lumahok sa exhibit na nagpapakita ng kanilang suporta, kontribusyon, at inisyatiba sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Elma Morales