DIWA NG MAYO UNO INABUSO

Magkape Muna Tayo Ulit

BUKAS  ay ang pagugunita natin sa Araw ng Manggagawa o Labor Day. Tuwing Mayo Uno, asahan natin na muli ang mga militanteng grupo ay magmamartsa sa lansa­ngan at magpoprotesta laban sa gobyerno sa sinasabing kakulangan umano ng ayuda at tulong sa manggagawa. Kadalasan pa ay ang paghiling ng pagtaas ng sahod.

Walang palya itong ‘tradisyon’ na ito. Walang pinipiling administras­yon ito. Sa madaling  salita, tuwing Mayo Uno ay babatikusin ng mga militanteng grupo ang kakulangan ng gobyerno sa umano’y kapakanan ng mga manggagawa.

Subali’t alam ba ninyo na ang ugat ng Labor Day ay nagmula sa bansang Greece kung saan ipinagdiriwang nila ang pagpasok ng panahon ng tagsibol? Matapos ng marahas na panahon ng taglamig, ang mga tanim at bulaklak ay mabubuhay muli na hudyat ng masaganang ani at pamumuhay. Kasama na rito ay ang panahon ng pagbubuntis ng mga babae na magbibigay ng biyaya sa kanilang pamilya. Ang tawag nila ay Anthesteria o May Day.

Subali’t nabago ito dahil sa idolohiya ng komunismo. Naging pagdiriwang ito ng mga manggagawa bilang tulong o ambag nila sa pag-unlad ng industriya ng kanilang bansa. Nagkaroon ang mga manggawa ng boses dahil dito. Ang dating sampung oras na pagtatrabaho ay nabago sa walong oras na lamang.

Napatatag pa ang polisiyang ito sa Estados Unidos na nagkaroon sila ng malakas na National Labor Union. Noong 1868, ang US Congress at anim nilang estado ay nagpasa ng batas na mandatong walong oras na trabaho sa lahat ng uri ng manggagawa.

Bagama’t may batas na rito, may mga pabrika at opisina pa rin ang hindi nagpapatupad nito. Kaya naman ang kanilang National Fe­deration of Organized Trades and Labor Assemblies ay nagpatupad ng isang malawakang welga noong Mayo 1, 1886 upang hilingin ang pagpapatupad ng mandatong walong oras sa trabaho. Kaya ayan, niyakap at tinanggap ang kaugaliang ito ng buong mundo upang gunitain ang pangyayaring ito na tinatawag na Labor Day na naging national holiday.

Kaya naman ang grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) ay eepal na naman bukas. Ngayon naman ay naghuhugas kamay na hindi raw sila laban sa mga investor. Nais lamang nila na itulak ang ating pamahalaan na unahin ang mga Filipinong manggagawa laban sa mga banyaga o mga dayuhan.

Haller??? Kitang kita ang tali. Sinaksak­yan nila ang isyung lumabas kamakailan na may mga Chinese national na mga manggagawa sa mga ilang proyekto sa ating bansa.

Sang-ayon ako na talagang unahin muna ang mga Filipinong manggawa sa ating bansa. Subali’t tulad din ng mga ibang kababayan natin na naghahanap ng magandang trabaho, pumupunta sila sa ibang bansa para magtrabaho! Eh kung ganito rin ang pananaw ng mga banyagang pamahalaan na parehas ng utak ng KMU? Eh ‘di pinauwi ang mga Pinoy  na ito  at inalis sa kanila ang oportunidad ng matiwasay na buhay!

Ang mahalaga ay ang tinatawag na KUWALIPIKASYON. Ang mga kompanya ay naghahanap ng mga manggagawa na kuwa­lipikado sa mga panga­ngailangan nilang posisyon sa trabaho. At kung may sipag at tiyaga ka aangat ka sa buhay. Kaya KMU, huwag ninyong paasahin ang mga ordinaryong uri ng manggagawa. Turuan ninyo sila ng sapat na kasana­yan upang makakuha sila ng marangal na trabaho at sapat na suweldo. Hindi pulos protesta at angal.