HABANG papalapit ang pagdiriwang ng Kapaskuhan, nag-ala lady Sta. Claus si Super Ate ng Pangulo at Senadora Imee Marcos sa mga Pinoy na may karamdaman sa puso sa Philippine Heart Center at mga nakakulong na kababaihan sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ngayong Biyernes.
Dakong alas-8 ng umaga, inabutan ni Marcos ang nasa 100 kabataang miyembro ng Heart Warriors ng aginaldo sa PHC.
Ngayon taon, umabot na sa 348 ang heart warriors na natulungan ni Senadora Marcos, karamihan ay pawang mga kabataan sa buong bansa.
Simula noong 2019, umabot na sa higit sa isang libong pasyente ang nabiyayaan ng libreng operasyon sa puso at mga gamot sa tulong ni Marcos at iba pang sponsors, gaya ng Heart Warriors of the Phils, Inc at Rotary Club International.
Ginawang adbokasiya ni Marcos ang pagtulong sa mga kabataang may heart disease dahil naranasan rin ito ng dalawa sa kanyang tatlong anak na lalaki.
Samantala, nakipag-kumustahan naman si Marcos sa mga kababaihang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City dakong alas-10:30 ng umaga.
Nabibiyayaan ang nasa 3,300 inmates ng hygiene kits at iba pang regalo ni Senadora Marcos. VICKY CERVALES