BUMUO si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang komite na naatasang makipagdiyalogo sa Simbahang Katolika at iba pang religious sectors sa panig ng gobyerno.
Sa ginanap na press briefing sa Panacan, Davao City, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na itinalaga siya ng Pangulo na maging miyembro ng komite kasama sina Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella at Pastor “Boy” Saycon.
Ang pagbuo sa komite ay ginawa ng Pangulo sa harap ng umiinit na away sa pagitan nito at ng Simbahang Katolika bunsod ng mga pahayag ng Punong Ehekutibo laban sa mga nabanggit na relihiyon.
“Siguro po ang tema ng mga pag-uusap ay paano mabawasan ang hidwaan sa pagitan ng gobyerno at ng Simbahan. Alam ko po may separation of church and state, ‘di po kinakailangang makipagdiyalogo pero minabuti na po ng presidente, sige buksan natin ang proseso ng diyalogo,” wika ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na ang agenda ng pakikipagdiyalogo ay matutukoy ng gobyerno at Simbahang Katolika habang isinasagawa ang pag-uusap.
Sinabi ni Roque na layunin ng komite na humupa na ang tensiyon na nilikha ng mga pahayag ng Pangulo laban sa umano’y Diyos ng simbahang Katolika.
“Wala pong mawawala kung mas mabuti ang samahan sa panig ng Simbahan at ng gobyerno,” dagdag pa ni Roque.
“Pansinin ninyo naman po, ‘yung talagang birada ng presidente, ngayon lang po ‘yan halos dalawang taon matapos siyang manungkulan. Pero sa loob ng dalawang taon, halos walang tigil din po ang pula sa kaniya ng Simbahan so tao rin naman po ang presidente, of course it’s a two-way street,” giit pa ni Roque.
Magugunita na sa mga nakaraang talumpati ng Pangulong Duterte ay tahasang binatikos ang Simbahang Katolika at ang mga pananiniwalang katuruan nito kaugnay sa panahaon ng paglikha ng daigdig. EVELYN QUIROZ
Samantala, kumpiyansa ang pamunuan ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magiging positibo at kabutihan ang magiging bunga ng diyalogo na magaganap sa pagitan ng pamahalaan at ng mga lider ng Simbahang Katoliko.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, isang welcome development ang naturang aksyon ng pangulo.
“Ang pakikipag-usap at pakikinig sa isa’t isa ay palaging mabuti, dahil ito’y isang mahalagang sangkap para sa pagkakasundo.
That is most welcome development. To dialogue; is to listen to one another, is always good,” ayon sa mensahe ni Valles.
Matatandaang inianunsiyo ni Secretary Harry Roque na itinalaga siya ng Pangulo bilang miyembro ng komite kasama sina Foreign Affairs undersecretary Ernesto Abella at EDSA People Power Commission member Pastor Boy Saycon.
Sila ang makikipag-usap sa church leaders, na ang layunin ay pahupain ang tensyon na nilikha ng mga pahayag ng pangulo laban sa Panginoong Diyos at sa Simbahang Katoliko. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.