DIYALOGO NG TNVS AT LTFRB ITINAKDA

TNVS-LTFRB

NAGPATAWAG  ngayong Martes, ­Hulyo 9, ng diyalogo si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra kasama ang transport network vehicle services (TNVS) community na inaasahang dadaluhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang tuluyang maayos ang gusot sa aplikasyon ng  Grab drivers ng hatchback at sedan sa Metro Manila.

Ayon kay Delgra, bukas ang LTFRB para pakinggan ang mga hinaing ng mga nagrereklamong driver ng TNVS community para magkaunawaan ang bawat panig.

Samantala, pansamantalang itinigil ni Atty. Ariel Inton, pangulo ng Lawyers for Safety Commuters and Protection (LSCP) ang kanila sanang ihahaing kaso laban sa mga opis­yales ng LTFRB.

Aniya, kusa silang magsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman bunsod ng may ilang mga ahensiya na rin ng pamahalaan ang tumutulong upang maresolba ang mga problema ng nasabing  mga driver.

Subalit sakaling hindi mapagbigyan ng mga opisyal ng LTFRB ang kahilingan ng mga TNVS driver, kanila itong itutuloy upang papanagutin ang ­LTFRB sa naturang usapin.

Ipinarating naman ng Grab Philippines na nanatiling normal ang operasyon ng Grab sa gitna ng isinagawang transport holiday ng mga TNVS drivers sa iba’t ibang panig ng Kalakhang Maynila.

Ayon kay Fiona Nicolas, communications manager ng Grab, Philippines, hindi gaanong nakaapekto ang idinaos na protesta ng TNVS drivers kahit maging sa  rush hour.

Aniya, mas nanaig pa rin sa kanilang mga driver ang kanilang tungkulin na makapagserbisyo sa mga mananakay kahit nagkaroon ng strike. BENEDICT ABAYGAR, JR.