BIGO sa unang diyalogo si University of the Philippines (UP) President Danilo Concepcion na mahikayat si Defense Secretary Delfin Lorenzana na bawiin ang pagbasura sa sa UP-DND 1989 Accord.
Sa halip, nagkasundo ang Department of National Defense at UP na patuloy na pag-usapan ang hindi nila pagkakaunawaan sa isyung may kinalaman sa pagbasura ng ahensiya sa kasunduang nagbabawal ng mga pulis at sundalo sa loob ng unibersidad.
Ito’y matapos ang pagpupulong noong Pebrero 4 nina Lorenzana at UP President Danilo Concepcion sa Veteran’s Golf Club.
Si Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera III ang namagitan sa pag-uusap ng dalawang opisyal.
Sa isang Joint statement na inilabas matapos ang pagpupulong, sinabi ng magkabilang partido na naging pagkakataon ang pagpupulong upang mapag-usapan ang possibleng “areas of cooperation” upang maisulong ang kapwa-interes na lumikha ng isang ligtas na kapaligiran para sa pag-aaral.
Magugunitang ibinasura ng DND ang unang kasunduan dahil hindi na ito naangkop sa panahon matapos na malantad ang recruitment activities ng NPA sa loob ng paaralan.
Umalma naman ang ilang sektor na ang hakbang ng DND ay pagbabalewala umano sa “academic freedom”. EUNICE CELARIO
CAMP CRAME SINUGOD NG MGA KABATAAN
BILANG send off ceremony kay UP President Concepcion na nakipagdiyalogo sa Department of Interior and Local Government (DILG) sinugod ng Kabataan Partylist sa pangunguna ni Rep. Sarah Elago kasama ang iba pang student organizations ang Gate 2 ng Camp Crame kahapon sa Quezon City.
Nagbarikada ang mga ito kasama ang umano’y mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) para ihayag ang pagtutol sa pagbasura sa UP-Department of National Defense (DND) 1989 Accord dahil sa anila’y masasagkaan ang economic freedom.
Kinumpirma naman ito ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Brig.Gen. Ildebrandi Usana, aniya, nagpahiwatig ng kanilang damdamin ang Kabataan Partylist kabilang ang ibang student organizations gaya ng League of Filipino Students (LFS) at iba pang militant groups na Anakbayan at Kilusang Mayo Uno.
“ (Congw.) Sarah Elago was also there, others in attendance were LFS, Anakbayan, etc,” viber message ni Usana sa miyembro ng PNP Press Corps.
Sa panig naman ng Kabataan PL, iginiit nila na hindi sumunod ang DILG sa ginawang pagbasura sa kasunduan na hindi dapat manghimasok ang pulisya sa mga campus ng pamantasan.
Ang DILG at UP ay mayroon ding kasunduan na “no cops within UP campuses” na nilagdaan nina dating Interior Secretary Rafael Alunan III at dating UP President Jose Abueva noong 1992 sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Nauna nang sinabi ng DILG na kanilang rerepasuhin ang nilalaman ng kasunduan at wala namang inihayag na kanila itong ibabasura. EUNICE C.
Comments are closed.